BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Ang hilig ng mister ko mag-TIKTOK. Minsan, madaling araw na siya natutulog kasi kaka-TIKTOK. Ang sabi niya sa akin eh nalilibang daw siya. Ano ba ang meron sa TIKTOK at nahihilig kayong mga lalake?
Stella ng Pasay City
Hi Stella,
Ikaw na lang ang tumingin sa TIKTOK para malaman mo kung bakit. Ayaw ko naman sirain ang trip ng mister mo. Hanapin mo yung ‘My heart went oooops….’. Wag mong sasaktan ang mister mo ha!
*
Hi Alex,
Ang ingay ng aso mga namin tuwing alas-onse ng gabi. Lalo na yung Dobberman at German Shepherd. Lagi silang may tinatahulan sa gate namin. Una, akala ko mga taong dumadaan lang kaya sila tumatahol, pero ang matindi, tuwing alas-onse. Akala ko naman, baka may nakikitang mga multo o kaluluwa kaya hinahayaan ko lang. Pero minsan, hindi na ako makatiis eh sinilip ko sa CCTV. Nalaman ko na may mga grupo pala ng askals na dumadaan tuwing alas-onse ng gabi sa tapat ng gate namin. Yun ang dahilan kung bakit tahol ng tahol ang mga aso namin. Ang nagtataka ako, bakit tuwing alas-onse sila dumadaan at lagi silang tumatambay sa tapat ng gate namin?
Ramon ng Quezon City
Hi Ramon,
Yung alas-onse medyo hindi ko alam kung bakit ganung oras pero malamang yun ang time na nakakalabas sila ng bahay. Hindi ko rin alam kung mga asong gala yang dumadaan at tumatambay sa gate niyo or mga asong merong amo o may-ari. Anyway, ito ang kutob ko dyan. Malamang dahil nakakulong sa gate ang mga aso mo at sila ay malayang nakakalakad, inaasar nila ang mga aso mo. Malamang kapag dumadaan sila, sa salitang aso, sinasabihan nila ang mga aso mong nakakulong sa gate na ‘kawawa naman kayo, nakakulong kayo, kami, nakakagala at nakakagimik’. Syempre, asar-talo mga aso mo, kaya tahol sila ng tahol. Ganito ang gawin mo, minsan, iwan mong bukas ang gate, para kapag dumaan ulit mga askal na laging inaasar ang mga Dobberman at German Shepherd mo, tignan mo sa CCTV kung paano lapain ng mga aso mo ang mga siraulong askals na yan!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.