BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Babalik ang PBA at excited na ako. Pero nabalitaan ko na kasama sa mga ipinagbabawal ang fist bump, chest bump, at high five! Nakakaawa naman ang mga players kapag ganun kasi kapag naexcite ka at may nagawa kang maganda, kailangan pigilan mo ang sarili mo! Ano-ano pa ba ang ipagbabawal sa PBA?
Marvin ng Bacoor
Hi Marvin,
Oo nga eh! Ang hirap nun lalo na kung nadala ka sa emosyon! Biruin mo, nakatalon ka na para sa chest bump tapos bigla mong naalala ng nasa ere ka na, hindi ka na makakaiwas! Pero malamang kapag pinagbawal ang high five o apir, ang mauuso eh ‘yung hindi nagtatamaan na high five o apir. Natatandaan mo nung bata pa tayo, yung kapag nag-apir kayo, ilalagpas niyo sabay sabi ng ‘Oishi.’ Pero ang labo naman ng bagong rule na ito. Eh hindi nga kayo nag-apir at fist bump pero paano kaya magbabantayan? Baka bawal na rin ang defense! Anong mangyayari, social distancing hanggang sa defense! Tatawagan ka ng referee ng violation kapag lumapit ka sa player na dinidipensahan mo ng below one meter! Maririnig mo sa referee “Technical foul No. 8 for violating the social distancing rule.” Siraulo talaga itong COVID-19, daming binago sa buhay natin!
*
Hi Alex,
Ang daming bagong online games ang nakikita kong nilalaro ng mga anak ko. Kapag pinapanuod ko, hindi ko naiintindihan kasi masyadong complicated. Ang problema, napupuyat sila kalalaro, minsan nga sinisita ko dahil madaling araw na! Bakit ba sila inuumaga sa paglalaro?
Macy ng Makati City
Hi Macy,
Alam mo ba kung bakit sila inuumaga sa paglalaro bukod sa complicated ang mga laro nila? Kasi wala silang scoring! Hindi tulad ng mga laro natin noong araw, hanggang 999 lang! Kapag natapos mo, reset na kaya titigil ka na dahil nareach mo na ang final score! Walang forever!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007