BY MELL NAVARRO
Apat na pelikula, isang film project, at sampung production companies mula sa Pilipinas ang kasalukuyang “umeeksena” sa 25th Busan International Film Festival 2020 (BIFF) na kasalukuyang ginaganap sa South Korea (Oct. 21 to 30).
Kabilang sa 192 films sa BIFF Official Selection ang dalawang full length films at dalawang short films mula sa bansa.
Ang mga pelikulang ito na nagpapakita ng “unique Pinoy flavor” ay itinatanghal sa Busan Cinema Center.
Ang QCinema 2019 best film na “Cleaners” ni Glenn Barit ay noong Oct. 21 ginanap ang international premiere sa BIFF, samantalang ang “Death of Nintendo” naman ni Raya Martin (nag-world premiere sa Berlinale 2020 sa Germany) ay ipinalabas sa Haneulyeon Theater sa Korea noong Oct. 27.
Napili ang dalawang coming-of-age Pinoy films na ito sa A Window on Asian Cinema section upang i-showcase ang visions at styles ng mga filmmakers mula sa buong Asia.
Pasok naman sa Asian Short Film Competition of the Wide Angle section ang Pinoy short films na “How To Die Young In Manila” ni Petersen Vargas (world premiere nito sa Oct. 28) at “Kids On Fire” ni Kyle Nieva (ipapalabas sa Oct. 29).
Tinatalakay ng dalawang short films na ito ang mga struggles at issues ng mga kabataan sa Pilipinas.
Gaganapin naman online ang Asian Project Market (APM) from Oct. 26 to 28, kunsaan ang mga emerging filmmakers ay maaaring makakilala ng foreign investors, producers, and distributors para tumulong financially sa kanilang mga pelikula.
Ngayong taon, ang “6th Finger” ni Direk Sheron Dayoc at producer Alemberg Ang lamang ang nag-iisang Filipino project na nakalusot sa APM na ito ng BIFF.
Hangad ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang makapag-collaborate ang ating filmmakers with global counterparts, at isang paraan nito ay sa pamamagitan ng project market participations tulad nito.
Samantala, iho-host ng FDCP ang “virtual Philippine Pavilion” para ma-expose ang Pinoy films and talents sa global markets.
Sampung local production companies ang kasama dito — na maaaring mag-pitch ng kanilang content at makipag-partner with international counterparts.
Sila ay ang Digital Dreams Inc., Heartleaf Film Production, Atom & Anne Mediaworks Corporation, North Luzon Cinema Guild, Inc., VY/AC Productions, Tuldok Animation Studios, Inc., Rein Entertainment Productions, MadScientist Media Production, Go Motion, at BLINK Creative Studio.
Organizer rin ang FDCP ng “Philippine Cinema Night” at sponsor ng webinar na “Screen Talk: Asian Production Bounces Back” kung saan ang Chairperson and CEO na si Liza Diño ay isa sa mga speakers.
“The Busan International Film Festival has been a crucial platform for the global track of the Filipino film industry. This year, the FDCP continues to be one with the BIFF in promoting Asian Cinema especially amid the COVID-19 crisis,” sabi ni Chair Liza.