BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Natapos na po ang election sa US at nabalitaan ko ang nanalo ay si Joe Biden. Ayaw ko siya! Gusto ko sana manalo si Donald Trump. Nadaya ata si Donald Trump eh! May pag-asa pa ba na si Donald Trump ang maging presidente?
Pat ng Malabon
Hi Pat,
Unang-una, US citizen ka ba at apektado ka ng resulta ng eleksyon sa US? Pangalawa, bakit nakikialam ka sa resulta ng eleksyon nila, may pusta ka ba? Pangatlo, meron pag-asa si Donald Trump president dahil president pa rin siya hanggang January! At panghuli, puwedeng intindihin muna natin ang problema dito sa bansa natin!
*
Hi Alex,
Nagbibinata ang anak ko at nagkakaputok na siya sa kili-kili. May nagpayo sa akin na gamitan ko raw ng tawas. Ilang araw na siyang nagtatawas eh parang ayaw pa rin gumana. Naisip ko tuloy na baka mali ang ginagawa ko. Ilang kutsara ba dapat ng tawas ang ihahalo sa tubig para mas effective ito? Mainit ba o malamig na tubig ang gagamitin? Ilang beses ba sa isang araw? Sana po matulungan niyo ako kung ano ang tamang gagawin?
Chona ng Divisoria
Hi Chona,
Ang tamang gawin ay dalhin mo sa doctor ang anak mo! Hindi iniinom ang tawas! Pinapahid sa kili-kili ang powder na tawas! Ikaw ang dapat tinatawas eh!
*
Hi Alex,
Nagtratrabaho po ang asawa ko sa China. Umuwi lang siya dahil sa pandemic. Ngayong medyo wala nang masyadong epekto ang COVID-19 sa China eh pinapabalik na siya ng employer niya. Naayos na niya lahat ng papeles at paalis na sana siya next week. Pero lumabas sa balita na isa sa Pilipinas sa walong bansa na ban sa China. Nakakalungkot dahil gusto nang magtrabaho ng asawa ko. Hanggang kelan po ba ang ban?
Sonia ng Quiapo
Hi Sonia,
Hindi ko alam kung hanggang kelan ang ban sa atin papunta sa China. Ang masasabi ko lang, grabe no, sila ang nagpasimula tapos sila na ang choosy! China lang talaga ang malakas!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.