BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Nakabili po ako pantalon online at nabayaran ko na. Pagsukat ko eh hindi pantay ang haba ng pantalon. Sakto ang haba sa kanan, bitin sa kaliwa. Iniisip ko kung puputulan ko ‘yung kanan para parehong bitin na o hahayaan ko na lang at baka hindi naman mapansin na hindi pantay. Pero hindi talaga ako mapakali. Ano ba ang magandang solusyon.
Greg ng Parañaque
Hi Greg,
‘Yan ang problema sa mga inoorder sa online lalo na sa damit, hindi mo nasusukat at nache-check mabuti. Pero dahil nandyan na ‘yan eh gawan na natin ng paraan. Mukhang OK pareho ang naisip mong solusyon. Putulan mo ang kanan para pantay, bitin nga pero John Lloyd Cruz na pormahan ‘yun! O kaya, gawin mong shorts para matapos ang problema mo! Ikaw na ang bahala! ‘Wag mo lang papaputulan ang binti mo sa kaliwa para hindi na bitin, katangahan ‘yun!
*
Hi Alex,
Nag-aaral magluto ang misis ko at ang una niyang gustong lutuin ay adobo. Tinanong niya sa akin kung anong masarap na adobo, ‘yung maraming toyo o konting toyo. Sinabi ko na konti lang na toyo ang gusto ko pero ang misis ko naman ang gusto ko maraming toyo. Nagtatalo kami ngayon kung ano ba ang mas gusto ng Pinoy, adobong maraming toyo o adong walang toyo? Ano sa tingin mo Kuya Alex?
Jose ng Taguig
Hi Jose,
Depende sa panlasa talaga ang sagot diyan. May iba, gusto ng maraming toyo, may iba, ‘yung konti lang! Pero hindi na mahalaga ‘yun, ang mahalaga ang kalusugan mo Jose. Kasi kapag nakipagtalo ka sa misis mo, baka mainis sa iyo ‘yan! Hindi na mahalaga kung marami o konti ang toyo ng adobo, ang intindihin mo kapag tinoyo ang misis mo! Baka ‘yang niluluto niyang adobo eh lagyan ng bubog at ipakain sa ’yo! Shut up ka na lang!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.