BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Madalas ako kumain sa mga turo-turo at karinderia at matagal ng palaisipan sa akin ito Kuya Alex. Madalas akong umorder ng mechado, kaldereta, afritada, at menudo. Nalilito ako dahil magkalasa ang mechado at kaldereta, ganun din ang menudo at afritada. Isa lang ba ang pinanggalingan nilang lugar?
Martin ng Novaliches
Hi Martin,
Sosyal nga ang mga order mo sa mga karinderya at turo-turo, mechado, afritada, menudo, at kaldereta. Kapag sa mga karinderya talaga, madalas, magkakalasa ‘yan kasi para makatipid ang may-ari ng karinderia. Pero kapag sa mga bahay natin, may pagkakaiba. Pero ako, hindi ‘yan ang concern ko sa mga karinderia at turo-turo. Mas concern ako sa libreng sabaw! San ba talaga galing ang libreng sabaw at bakit ganun ang lasa! Suwerte mo kung lasang bulalo o lasang sabaw ng mami. Minsan, hindi mo alam kung lasang medyas o lasang pinaghugasan ng plato! Kapag tinignan mo naman ang laman ng sabaw, mga durog-durog na laman na hindi mo alam kung saan nanggaling! ‘Yan ang mas mahiwaga!
*
Hi Alex,
Naglalabasan na ang mga balita na malapit na ilabas ang mga vaccine at halos 90 percent na ang pagpasa nito sa standard. Pero naisip ko, kapag nilabas ito eh mahal sigurado ang pagpapabakuna. Nag-iisip tuloy ako kung saan at paano mag-iipon ng pera para kapag dumating dito eh makapag-pabakuna na! Magkano sa tingin niyo ang bakuna Kuya Alex?
Solomon ng Pasay
Hi Solomon,
Siguradong mahal ‘yan! At baka hindi agad tayo mabigyan dito sa Pilipinas dahil uunahin niyan ang mga bansa na may budget. Ewan ko lang kung may budget na tayo. Pero ‘wag kang mag-alala sa gastos dahil may naisip ako. Ganito ang gagawin natin. Kapag dumating ang bakuna, hayaan mong mauna ang ibang tao. Mgahintay ka lang. Kapag halos lahat na ang nagpa-bakuna, ‘wag ka na magpabakuna kasi kanino ka pa mahahawa eh lahat may bakuna na! Utakan lang ‘yan! Tapos kapag halimbawa nagka-COVID-19 ka, sikat ka kasi ikaw na lang ang solong may COVID-19!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.