BY ALEX CALLEJA
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Nakatira ako sa condo at natatakot ako kapag lumilindol. May mga kaibigan ako na nagsasabi na dapat sa pinakamataas akong floor tumira dahil ‘yun ang safe sa lindol. May mga kaibigan naman ako na dapat sa raw sa mababa akong floor tumira. May mga iba naman sa dapat sa kalagitnaang floor daw ako tumira. Ano ba talaga ang pinakasafe na floor sa condo?
Fame ng BGC, Taguig
Hi Fame,
Walang safe na floor sa lindol. Ang pinakasafe kapag lumindol eh nasa labas ka ng condo! ‘Wag muna natin pag-usapan ang lindol at baka marinig tayo ng taong 2020! Baka maghabol pa ‘yan! 2020 peace na tayo!
*
Hi Alex,
Kahit alam kong maraming pumalpak na hula ng pumasok ang taong 2020 eh naniniwala pa rin ako sa mga suwerte at malas. Kasi kahit naman nagkapandemic ay mga sinuwerte pa rin. Tuloy naman ang buhay. May mga alam ka na bang pampasuwerte sa darating na 2020?
Carlito ng Binondo
Hi Carlito,
Hindi kasi talaga ako naniniwala sa suwerte at malas o sa mga prediction. Tao kasi ang gumagawa ng suwerte o kapalaran nila. Ang isang halimbawa ko ay bakit ang mga nagbebenta ng pampasuwerte sa Quiapo, taon-taon nandun sila, may iba nagsara pa nga. Biruin mo, sila ang nagbebenta ng mga pampsuwerte sa negosyo pero sila mismo hindi sinuwerte at nagsara sila! PAKI-EXPLAIN!
*
Hi Alex,
Nang wala pang COVID-19, kapag nalaglag ang kinakain natin eh puwede pang pulitin basta wala pang five seconds. Nagbago na po ba ang rule na ‘yan ngayong may COVID-19 na?
Eddy ng Pasay City
Hi Eddy,
OO nagbago na! 30 minutes na ang rule bago mo kainin. Kasi ngayon kapag nalaglag ang kinakain mo, puwede mong pulitin, tapos kailangan mo ipa-SWAB test para malaman kung may COVID-19 na napunta sa nalaglag na kinain mo. Thirty minutes bago lumabas ang resulta. Kapag negative, puwede mong kainin, kapag positive, itapon mo na ulit!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.