Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
May bagong strain daw ng COVID-19 sa Europe na nagsimula sa bansang Britain. At kumakalat na raw ito sa ibang bansa. Nakakatakot dahil baka makapasok din ito sa bansa natin. Ano ba ang kaibahan ng lumang strain sa bagong strain ng COVID-19?
Salome ng Pasig
Hi Salome,
Hindi ako eksperto pero mukhang mas madali raw makahawa ang bagong strain ng COVID-19 na nagmula sa bansang Britain at kumakalat na sa Europe. May mga balitang meron na sa Singapore. Sa bansa natin eh wala pa naman at sana maagapan na huwag makapasok. Kasi wala pa nga tayong vaccine sa lumang strain eh aba may bago na agad! Dapat kausapin na natin ang mga local virus natin tulad ng sore eyes, dengue, at chickenpox! Dapat huwag na sila pumayag na may bagong COVID-19 na papasok na naman! Matagal na silang nagpapahinga! Dapat sila na mismo ang humarang sa airport kapag dumating ang bagong strain ng virus! O kaya, kausapin natin ang lumang COVID-19, intrigahin natin na may mas bagong COVID-19 na papalit sa kanya! Para magalit at siya mismo ang hindi magpapasok sa bagong strain!
*
Hi Alex,
Matatapos na ang 2020 pero may mga pahabol na lindol pa rin na nangyayari sa bansa natin? Naramdaman mo ba ang lindol last week na ang epicenter eh sa Calatagan, Batangas? Ang lakas! May mga balita pa ba na magkakalindol bago matapos ang taong 2020?
Claire ng Fairview
Hi Claire,
Wala naman talaga nakakapredict na magkakalindol pero sana wala nang lindol bago matapos ang taong 2020. Last week, hindi ko naramdaman ang lindol pero naramdaman ng asawa ko kaya katakot-takot na naman ang parinig na inabot ko! Tinanong niya kasi ako kung naramdaman ko ang lindol, ang sabi ko hindi. Ayun, sinabihan ako na malamang daw hindi ko naramdaman kasi manhid daw ako at walang pakialam! Di’ba, ang mga babae, lahat ng bagay, gagawan ng paraan para mapagsabihan ka!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.