Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Kuya Alex, gusto ko lang maglabas ng sama ng loob. Dito sa bahay namin, bago pa lang magpandemic, ang dami nang bawal! Bawal lumabas paglagpas ng alas-diyes, bawal magpuyat, bawal matulog sa ibang bahay, bawal kumain ng matamis, bawal gumamit ng Internet paglagpas ng alas dose, bawal mag online games, at bawal ang mag-out of town! Ngayong may pandemic, bawal pa rin lumabas ng bahay, bawal ang hindi naka-mask, bawal pumunta sa barkada, bawal puntahan ng barkada, bawal magpadeliver, bawal pa rin magpuyat, at bawal pa rin mag online games! Nakakainis na! Bakit ba ang daming bawal sa mundo??!!
Carlile ng San Pablo
Hi Carlile,
Gusto ko sana sagutin ‘yan kaya lang bawal. Pasensiya na.
•
Hi Alex,
May girlfriend ako at masama mang sabihin eh nagkakagusto ako sa kaibigan niya. Nagsimula ito nang pinakilala siya sa akin ng girlfriend ko dahil malungkot daw at niloko ng boyfriend. Kaya lagi namin siyang kasama. May mga pagkakataon na nag-usap kami na kami lang kaya naging close kasi. Hindi ko alam na main-love ako sa kanya. Hindi ito alam ng girlfriend ko. Kaya nalulungkot ako dahil bakit iisa lang ang puso. Sana dalawa ang puso ng tao kasi mahal ko rin ang girlfriend ko, mahal ko na rin ang kaibigan niya. Kuya Alex, bakit ba hindi dalawa ang puso ng tao?
Milton ng Pasay City
Hi Milton,
Bago ko sagutin ‘yan, hindi mo nasabi kung gusto ka rin ng kaibigan ng girlfriend mo. Saka bakit gusto mo maging dalawa ang puso mo? Isang puso na nga lang ang mahal na eh, dalawa pa! Kapag nagpa-checkup ka, dalawang beses ka papa-ECG at 2D echo. Tapos paano ka kapag kakanta ng Lupang Hinirang, san mo ilalagay ang kamay mo eh dalawa ang puso mo! Kapag dalawang kamay ang ginamit mo, Wakanda Forever yun! Saka kapag inatake ka sa puso, dalawang beses, sakit nun! Ayusin mo na lang ang sitwasyon mo at wag mong pakialaman ang katawan mo na maayos namang ginawa ng Diyos!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalle[email protected].