Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
*
Hi Alex,
Valentine’s Day kahapon kaya naglunch at dinner lang kami sa bahay ng mister ko. Muntik na nga akong magtampo dahil akala ko nakalimutan niya akong bigyan ng flowers. Pero dumating din ang flowers ng gabi na. Pero ang napansin ko sa mister ko, umaga pa lang eh hindi na siya mapakali. Laging hawak ang cellphone at may katext. Kapag lumalapit ako eh biglang titigil ang paggamit sa cellphone, ibubulsa ang cellphone, at manunuod ng TV. Hindi ko tuloy maiwasang maisip na baka may katext siyang ibang babae dahil Valentine’s Day nga. Saka parang tuliro siya kahapon at mukhang worried. Ano ba ang dapat kong isipin sa kilos ng mister ko?
Cindy ng Parañaque
Hi Cindy,
‘Yan ang problema eh. Masyado tayong nanghuhusga. Nasabi mo kahapon na naglunch at dinner naman kayo sa bahay dahil Valentine’s Day. Tapos nasabi mo rin na dumating ang bulaklak ng gabi na. ‘Yun ang dahilan, malamang natataranta ang mister mo kasi ‘yung bulaklak, sinabihan siya ng flower shop na madedelay! Hindi niya masabi sayo kasi surprise ‘yun eh! Kaya hindi siya mapakali at worried siya. ‘Wag natin isipan ng masama ang mister mo! Porke’t hawak ang cellphone at may katext, may babae na! Napakasuwerte mo sa mister mo, mahal na mahal ka!
*
Hi Alex,
May gusto lang ako i-share na opinion Kuya Alex. Medyo inis ako kapag February 14 or Valentine’s Day. Kasi ginagawang big deal ng mga tao. May kutob ako na ang Valentine’s Day ay pinauso lang ng mga negosyante na gustong kumita dahil sa bulaklak at sa pasurprise tulad ng dinner sa mga restaurants. Ganyan din ba ang opinion mo Kuya Alex?
Marlon ng Malabon
Hi Marlon,
Malamang single ka kaya ka galit sa Valentine’s Day! Pero alam mo, ganyan din ang opinion ko pero ang kinakatuwa ko lang sa Valentine’s Day eh pumapatak siya sa February 14! Ang ibig sabihin, kinabukasan, a-kinse! ‘Yun ang mas importante sa akin kasi suweldo ‘yun!
*
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.