Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
May puno kami ng mangga sa loob ng bakod namin. Maraming mga dumadaan ang nagsasabi na may nakatira daw na engkanto sa mangga namin. May mga nagsasabi na kapre o tikbalang daw ang nakatira sa mangga namin. May mga nagrereklamo kaming kapitbahay dahil minamalas daw sila dahil may nakatirang engkanto sa puno ng mangga namin. Totoo kaya ang sinasabi nila?
Pia ng Bataan
Hi Pia,
Maaring totoo o maaring hindi. Pero kahit ano pang sabihin ng kapit-bahay mo, ‘wag mo na lang pansinin. Puno mo naman ‘yan! Puno mo, desisyon mo! Saka magbabago ang isip nila diyan kapag namunga na ng mangga ‘yan! Nakapila sa iyo ‘yan para humingi ng bunga! ‘Wag mong bigyan, sabihin mo bilin ng kapre at tikbalang!
•
Hi Alex,
Buntis ang aso kong askal at maraming mga kaibigan ko ang nanghihingi ng magiging anak nito. Walo na ang kaibigan ko na nagpareserve. Malaki raw ang tiyan ng aso ko at mukhang maraming magiging anak. Saka binilang nila ang suso at walo daw ang suso kaya wala daw anak anak. Naghihintay na sila manganak dahil excited na raw sila makita ang mga tuta nito. Paano ba malalaman kung ilan ang magiging anak ng aso ko?
Conching ng Batangas
Hi Conching,
Paano malalaman kung ilan ang magiging anak ng aso mo? Hintayin niyong lumabas! Susme, wala sa laki o bilang ng suso ‘yan! Bakit ang mga tao, dalawa ang suso, eh isa lang ang anak! Oo may mga nangangaak ng kambal pero may mga nanganganak din ng triplets, nagiging tatlo ba ang suso ng babae! Saka ‘wag kayong papasiguro dahil hindi natin alam kung mabubuhay lahat hanggang hindi pa naglalakad ang mga tuta! Ganyan ang nangyari sa aso ko! Walo ang nilabas na tuta! Patay lahat kasi hindi inalagaan ng nanay! Pagkapanganak, gumimik agad at iniwan ang mga tuta kaya patay lahat! Pati ‘yun nanay, patay din kasi nabinat kakagimik!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected]. facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.