MANILA – Kinse anyos lamang ang aspiring pastry chef nasi Mary Jane Balanon nang isinilang niya ang kaniyang unang anak. Sa murang edad ay kinailangan niyang huminto sa pagaaral at isantabi ang kanyang mga pangarap upang matustusan ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Bago magsimula ang pandemya, isang contractual sales lady si Balanon sa isang department store sa Sampaloc, Manila. Ngunit nang bumagsak ang ekonomiya ng bansa dahil sa pandemya, siya at ang kaniyang asawa ay parehong nawalan ng hanapbuhay.
“Sobrang hirap po mawalan ng trabaho. Dalawa po ang anak namin, at mahirap makitang nagugutom sila. Wala naman po kaming ibang mahingan ng tulong dahil pati mga kamag-anak namin ay hirap din dahil sa pandemya,” paglalahad ni Balanon.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, 4.25 milyong Pilipino ang unemployed noong Setyembre 2021, habang 6.18 milyon naman ang underemployed.
Bilang isang breadwinner, hindi tumigil si Balanon na humanap ng paraan upang suportahan ang kaniyang pamilya. Siya ay sumali sa pastry-making program ng Virlanie Foundation at doon siya nakahanap ng panibagong pagkakakitaan.
“Talagang nagtiyaga akong matutong gumawa ng pastries,” ani Balanon. “Nai-inspire din po ako sa mga kasama ko. Mayroon pong biyuda, may PWD, may single moms.”
Tulad ni Balanon, isa ring breadwinner si Jeanneth Odon na nawalan ng asawa noong Enero. Siya ay may tatlong anak. “Na-heart attack po. Pag-uwi ng bahay, bigla na lang nahilo, natumba, at nabagok ang ulo,” aniya. Bagama’t hirap sa buhay, palaging pinapaalala ng kanyang asawa na dapat silang magsumikap upang umangat sa buhay.
“Magmula nang mamatay ang asawa ko, natuto po talaga akong dumiskarte para sa pamilya ko. Tatlo po ang anak na kailangan kong suportahan. Kaya napakalaking tulong nitong pagbi-bake naming sa pangtustus sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya,” ani Odon.
“Parang na-empower po ako,” dagdag ni Odon. “Na-realize ko na ang babae pala ay kayang magtaguyod ng pamilya nang mag-isa.”
#BrigadangAyalaKaakay
Kabilang sina Balanon at Odon sa mga nagsu-supply ng mahigit 10,000 banana breads na ipinamamahagi ng #BrigadangAyalaKaakay.
“First time po naming maka-receive ng ganoon karaming orders. Dati po, 50 banana loaves lang ang ginagawa naming sa isang araw. Pero ngayon, nakakagawa kami ng mahigit 2,000 sa isang linggo,” sabi ni Odon. “Sobrang saya, sobrang laking tulong po.”
Ayon kay Virlanie Foundation Community Programs Manager Emma Solasco, naging malaking bahagi ang #BrigadangAyalaKaakay sa buhay ng mga inang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya. Karamihan sa kanila ay lubog na sa utang at halos isanlana ang lahat ng kanilang mga kagamitan upang mairaos ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
“I remember noong sinabi kong ang Ayala kukuha ng bread sa amin, talagang nagsigawan sila: ‘Yes! Pangarap lang naming itong ganito kalaking orders.’ Actually, dream ko rin iyon para sa kanila. Tinupad ng Ayala ang pangarap ng Virlanie at ng ating beneficiaries,” kwento ni Solasco.
Kahit pa minsa’y inaabot na sila ng hating gabi matapos lamang ang orders, ani Odon, sila’y masaya at tunay na nag-e-enjoy sa kanilang ginagawa.
“Sulit po ang pagod kahit magdamag kaming naghahanda dahil kumikita kami at nasasarapan sila sa mga tinapay namin. Lalo na ngayong may pandemya, hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon na kumita. Dahil sa ‘Kaakay,’ kumikita kami ng maayos at sapat para sa mga pangangailangan ng pamilya namin,” dagdag pa niya.
Hindi naman sasayangin ni Balanon ang kasalukuyan niyang kinikita sa paggawa ng banana breads, bagkus iipunin niya ito para sa kinabukasan ng pamilya. “Para po ito sa pag-aaral ng mga anak ko,” ani Balanon.
Nitong Lunes, namahagi ng mahigit 1,000 food packs ang #BrigadangAyalaKaakay sa Makati-based beneficiaries nito sa Virlanie Center. Pinangunahan nina AC Industrials Group President & CEO Art Tan at ng kaniyang senior executives ang food distribution program na ito.
“I was deeply touched by the stories of breadwinners like Mary Jane Balanon and Jeanneth Odon,” sinabini Tan. “They are proof of how hardworking and determined our fellow Filipinos are to uplift themselves. It’s easy to lose hope when one gets retrenched or loses a loved one during the pandemic. Mary Jane and Jeanneth showed how we can all bounce back through persistent upskilling, diskarte, and malasakit. All we really need is a Kaakay, somebody to offer a hand and open opportunities.”
Ang #BrigadangAyalaKaakay ay isang 12-week food distribution program na naglalayong matulungan ang mahigit 10,000 na pamilya o mahigit 500,000 katao sa mga mahihirap na komunidad sa Metro Manila. Makakatanggap ang isang pamilya ng isang linggong supply na bigas, gulay, delata, at tinapay simula November 2021 hanggang February 2022.