By MELL T. NAVARRO
Si Direk Lester Dimaranan (director ng MMFF 2021 film na “Nelia”) ang pinalit ng Borracho Film Productions kay Direk Lawrence Fajardo na ipagpatuloy ang pagdidirek ng “Mamasapano.”
Ang pelikula ay pinagbibidahan ni Edu Manzano bilang si Gen. Benjamin Magalong, at tampok rin sa main cast sina Aljur Abrenica, Paolo Gumabao, at Gerald Santos bilang SAF 44 soldiers.Ayon sa executive producer na si Atty. Ferdinand Topacio, kinailangan niyang magpalit ng direktor at buong production team nito dahil ilang buwan nang naantala ang shooting, dahil sa schedule conflicts ni Direk Law, at nauunawaan naman daw ito ni Atty. Topacio.
“Noong mag-usap kami ni Direk Law noong first week of December 2021, nagsabi siya sa akin kung makakahintay raw ako. Dahil may iba pa siyang committed projects na dapat tapusin.
“Eh sabi ko, naka-cluster na ang mga artista for January 3-13, 2022 shooting schedule. Ang hirap buuin ang availability ng malaking cast namin, so I had to decide, and Direk Law understood naman. We had to shoot,” pahayag ni Atty. Topacio nang naka-chikahan namin kamakailan.
Bagama’t maayos naman daw ang kanilang pag-uusap ni Direk Law, aminado si Atty. Topacio na may naging tampo siya dito noon.
“Noong una, aminado naman akong napikon ako sa mga nangyaring delay ng shoot. Kasi, ilang linggo ng June at July of 2021 ang nawala sa akin eh.
“Hindi lang niya ito nabigyan ng priority, which he should have told me. Naka-five shooting days naman ang team niya. Maraming deleted scenes, dinagdagan na lang ni Direk Lester.”
Paano ang magiging credits ng direktor sa pelikula, kung dalawa ang gumawa nito?
“Sa closing credits ng movie, silang dalawa. Pero siyempre, ‘A film by Lester Dimaranan’ ang malalagay in due respect sa nagtapos ng pelikula,” sagot ng producer.
Paano niya napili si Direk Lester?
‘’Nagtanong-tanong ako kung sino ang magandang ipalit. Friend ko ang producers ng ‘Nelia‘ dahil abogado rin sila. Highly recommended nila si Direk Lester.
“Okey siya. Mas bata. Minsan, iba ‘yung mas bata, hindi lang nabibigyan ng break.
Kumbinsido si Atty. Topacio na mahusay at professional si Direk Lester at ang kanyang team, lalo na ang young blood na cinematographer nito na si Paolo Emmanuel Magsino.
“Sa initial meetings pa lang namin ni Direk Lester, nagkahulihan agad kami ng loob. Nakita ko sa kanya ang passion at dedication niya to help me, since I’m a new movie producer.
“Ang ganda nung nilagyan niya ng puso ang pelikula. Very candid siyang mag-suggest ng matter-of-fact ideas, para sa ikakaganda ng pelikula.”
Nadoble ba ang gastos niya, dahil sa re-shoot at natapon ang ibang mga eksenang nakunan ng naunang production team?
“Hindi naman, dahil sabi sa akin ni Direk Law, ‘yung mga over-over expenses, or ‘yung excess sa five shooting days, babalik daw niya. Maayos naman ang pag-uusap namin.”
Sa kabila ng mga problemang kinaharap ng pelikula sa loob ng dalawang taon, bakit hindi siya ‘sumuko’ at ipinagpatuloy pa rin niya ito?
“This is a legacy project of mine,” aniya. “Ano man ang mangyari, may mga pagsubok man, tatapusin ko ito dahil nakapangako ako sa mga magulang ng SAF 44.
“As a new movie producer, pinag-aralan ko muna ito bago ako sumabak. Talaga lang dadaanan mo ang mga ganitong challenges.
“Magmamatrikula ka talaga! Nagkakamali rin ang new producers, pero ang mahalaga ay inaayos mo ang mga gusot.”
Ang “Mamasapano” ay true story ng Special Action Force (SAF) anti-terrorist operation noong 2015 kunsaan nasawi ang 44 SAF commandos.
Ayon sa scriptwriter nitong si Eric Ramos, ang pelikula ay tatalakay rin sa pag-iimbestiga ng Philippine National Police (PNP) kung ano ang totoong nangyari at kung sino ang dapat managot sa trahedya.
Nasa cast rin sina Myrtle Sarrosa, Ritz Azul, Rez Cortez (as Gen. Allan Purisima), Alan Paule (as Chief Getulio Napeñas), Juan Rodrigo (as Mar Roxas), Jojo Alejar, Rey PJ Abellana, Jojo Abellana, Kate Brios, etc. With the special participation of Claudine Barretto.