MANILA – Buong akala ni Rose Leyretana na magtatapos na ang halos tatlong dekada niyang pagtitinda sa Tutuban Center nang magsimula ang community quarantine sa Metro Manila noong March 2020.
“Magmula nang magbukas ang Tutuban Center, doon na ako nagtatrabaho. Hindi ko lubos maisip na sa isang iglap, matatapos na ‘yong tatlong dekada kong kabuhayan,” ani Leyretana.
Si Leyretana, 52 taong gulang, ay isang sales lady sa Anding’s Toys & Flowers, Inc. na pag-aari ni Malou Yulit. Ayon kay Yulit, itinuturing niyang isa sa mga pinakamasipag na empleyado si Leyretana kung kaya’t ikinalungkot niya ng lubos nang pansamantalang magsara ang kaniyang negosyo.
Maagang nagbukas ng tindahan ang management team ng Anding’s Toys & Flowers, Inc. na pinangungunahan nina (L-R) Rose Leyretana, MalouYulit, at Mateus Salvador.
“Talagang ubos po ang savings naming mag-asawa. Iyong mister ko rin po ay nawalan ng hanap-buhay,” pahayag ni Leyretana. “Kaya talagang naiyak ako sa saya noong tinawagan ako ni Boss Malou at sinabihan na magbubukas uli kami.”
Sa kalagitnaan ng lockdown ay inilunsad ng Ayala Land ang “Tutubuy”. Ito ay isang e-commerce platform kung saan maaaring bumili ang mga customer ng mga panindang matatagpuan sa Tutuban Center.
Ayon kay Yulit, nakatulong ang Tutubuy sa kanilang benta kung kaya’t naibalik nila sa trabaho ang kanilang mga empleyado. “We are grateful for Tutubuy for giving us access to another platform of selling. This is what e-commerce is about – exposure, convenience, and availability. Ayala Land gave us that,” ani Yulit.
“Ang laking pagpapasalamat namin sa Ayala dahil sa wakas, nakapagsimula uli kaming maghanapbuhay,” dagdag naman ni Leyretana. “Safe na safe po mag-shopping dito sa Tutuban dahil istrikto sila sa health protocols.”
#BrigadangAyalaKaakay
Noong Lunes ay pinangunahan ni Ayala Land President & CEO Bobby Dy ang pamimigay ng food packs sa mga benepisaryo ng Kaakay mula Tondo, Manila. Ang #BrigadangAyalaKaakay ay isang 12-week food distribution program na naglalayong matulungan ang mahigit 10,000 na pamilya. Sa ilalim ng programang ito ay makakatanggap ang bawat pamilya ng isang linggong supply na bigas, gulay, delata, at tinapay.
“We are thankful to be part of this program to help our fellow Filipinos, especially those who now have to start over after losing their livelihood during the pandemic,” ani Dy.
Isa si Elena Rondario sa mga nakatanggap ng nasabing ayuda. Si Rondario ay may apat na anak at mag-isa niyang itinataguyod ang kaniyang pamilya. Nawalan rin siya ng trabaho noong tumama ang pandemya sa ating bansa. “Napakahirap po para sa isang single mom na katulad ko,” ani Rondario. “Hindi ko po alam kung saan kami pupulutin. Sagad na po ang budget para sa renta pa lang.”
Noong nawalan siya ng trabaho ay nag-volunteer muna si Rondario sa kanilang barangay. “Para lang po may pambili ng bigas,” dagdag ni Rondario.
Mabuti na lamang at siya ay nakabalik na rin sa kaniyang trabaho sa Tutuban Center night market noong nagbukas na ang mall. Isa rin siya sa mga nakatanggap ng food packs sa ilalim ng programang #BrigadangAyalaKaakay.
“Tamang-tama po ang timing ng Kaakay dahil parang nagsisimula uli kami,” ani Rondario. “Sa tulong ng mga pagkain na ibinibigay ng Kaakay, unti-unti ko nang nahahabol ‘yong mga utang ko sa renta, kuryente, at tubig.”