By MELL T. NAVARRO
Hinimok ng aktres at Quezon City Councilor Aiko Melendez ang Senado na ipasa na
ang “Eddie Garcia Bill,” isang panukalang batas na naglalayong protektahan ang
mga manggagawa at mga independent contractors sa industriya ng pelikula,
telebisyon, at radyo.
Kilala namin noon pa mang 1990s si Aiko. Close siya sa movie press, at hanggang ngayong nasa politics na siya ay consistent pa rin siya sa pagiging concerned sa mga kasamahan niya sa industriya maliit man o malaki.
Binigyang-puri ni Aiko ang liderato ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa mabilis na pagpasa ng panukala sa House of Representatives.
Pero sa loob ng pitong buwan matapos itong maipasa sa mababang kapulungan, hindi pa rin ito naipapasa ng Senado, kaya hindi pa rin ito ganap na batas sa Pilipinas.
Ayon kay Aiko, kailangan nang isabatas ito para sa ligtas na pagtrabaho ng lahat na involved sa entertainment industry.
Sa kanyang pahayag, nanawagan si Aiko sa kanyang mga kapwa artista na ngayon ay nagsilbing mga senador na maseguro ang pagpasa ng panukalang batas na ito sa pinakamabilis na panahon.
Kasama dito sina Senator Lito Lapid, Senator Robin Padilla, Senator Jinggoy Estrada, at Senator Bong Revilla.
“Bilang isang aktres, naranasan at nasaksihan ko mismo ang mga hamon at panganib sa aming industriya. Ako ay nananawagan sa aming mga kasamahan sa Senado na bigyan ng seryosong pansin ang panukalang batas na ito. Ang kaligtasan at karapatan nang manggagawa sa entertainment industry ay dapat maging prayoridad,” pagtatapos ni Melendez.
Samantala, may source kaming nagsabing noong Biyernes, Setyembre 15, ay pinulong ni Senator Padilla ang maraming artista upang magkaroon ng dialogue tungkol sa nasabing panukalang batas.