By JUN NARDO
Si Piolo Pascual ang una, huli at tanging choice ng producer at director na sina John Bryan Diamante at Derick Cabrido, respectively, na gumanap na lead sa MMFF entry na “Mallari.”
Naniniwala silang si Piolo lang ang maaring gumanap sa tatlong personification ng controversial character na inspired ng isang pari na binitay noong unang panahon bilang kauna-unahang Filipino serial killer.
Ayon sa kuwento na sinulat ni Enrico Santos, isang kilalang pari si Mallari noong panahon ng Kastila.
Diuamano’y nasiraan ito ng bait, dahilan upang makapatay ito ng higit 80 katao na karamihan ay miyembro ng simbahan.
Pero si Piolo mismo ay nagdalawang isip noong unang ipinitch sa kanya ang pelikula.
Tanong niya nga raw sa sarili: “Kaya ko ba ito?”
Ang siste, busy si Piolo dahil sa iba’t ibang proyekto. Alam niyang kailangan niyang mag-focus kung gusto niyang magampanan ang kakaibang role.
Sa huli, tinanggap niya ito pero humiling siya ng lock-in shooting para manatili ang kanyang focus at konsentrasyon sa role.
Nakakatakot ang pelikula base sa trailer, huh! Ang galing ng effects!
Ang “Mallari” ang unang Filipino film distributed by Warner Bros. Pictures.
Pinatikim!
Hindi nakalusot ang baguhang aktres na si Jhassy Busran sa kamandag ni Gladys Reyes, huh!
Nakatikim ng pamosong sampal ng beteranang aktres si Jahssy sa eksena nila sa sa pelikulang “Unspoken Letters” na produced ng Utmost Creatives at dinirek ni Gay Alaman kasama sina Andy Adrino at Paolo Bertola bilang co-directors.
Eh kahit medyo natakot at kinabahan, matapang na tinanggap ni Jhasy ang matinding sampal ni Gladys dahil hinihingi naman ito ng kuwento at eksena.
Sa unang pagkakaton, magkasama rin sa movie ang mag-asawang sina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado.
Absent nga lang sa mediacon si Glydel at biro ni Ton, “Stepomother ko kasi siya sa pelikula kaya masama ang loob at hindi pumunta.”
Isang family movie ang “Unspoken Letters” na mapapanood na sa December 13.