Taon-taon na lang ay nababalot ng kontrobersiya ang Metro Manila Film Festival, lalo na ang kanilang awards night.
Isa na yatang tradisyon ang mga palpak, kaduda-dudang mga winners, at mga huradong wala naman talagang lubos na kaalaman sa paggawa at pagbuo ng isang pelikula.
Hindi iba ang katatapos lamang na awards night sa Solaire. Tulad ng mga
nakaraang mga taon, mas madami pang mga katanungan ang naghahanap ng sagot.
Heto ang sa amin:
1. Bakit ayaw nilang panalunin si Zig Dulay na best director bagama’t direktor siya ng mga back-to-back best picture winners na mga pelikula? Nung isang taon, best picture ang “Firefly” pero hindi pinapanalo si Zig. Nitong huli, best picture ang kanyang “Green Bones,” pero ang best director ay iginawad sa dalawang filmmakers na hindi naman outstanding ang mga pelikula.
Ano ang ayaw nila kay Zig, na napakahusay maglahad ng kwento sa big screen at hindi arogante tulad ng marami nating mga director?
2. Bakit kailangang may tie sa best director? At bakit yung dalawang director ang nag tie?
3. Bakit hindi nominado ang actor na si Aga Muhlach sa kanyang mahusay naman na pagganap sa “Uninvited?” Kung taste and preference ang irarason ng 13-member na jury, baka maaari pang tanggapin, pero madami din silang isinali sa nominasyon na hindi naman katangi-tangi.
4. Bakit kailangan magkaroon ng tie sa best float award? Sabihin na natin na hindi unanimous, 13 naman ang miyembro ng hurado, bakit hindi nila yun ma-break? Para may award man lang ba ang “Uninvited” na halatang ayaw nilang papanalunin sa mga ibang mga kategorya? Sa tingin ng marami, namumukod tangi talaga ang float ng “Topakk.”
5. Kung si Ruru Madrid naibaba nila sa support from lead actor ( kahit malinaw na halaw sa point of view ng character ni Ruru ang malaking parte ng “Green Bones,” so technically co-lead sya ni Dennis Trillo), Bakit si Piolo Pascual hindi nila binaba sa support actor? Dahil ba talagang gusto nilang papanalunin si Ruru kasi pag nilagay nila sa lead actor category, tiyak na hindi sya mananalo?
6. Ano ang dahilan ng pagbibigay ng Special Jury Award kay Vice Ganda? Dahil ba sa sobrang sikat sya at biglang nagdrama? Parang hindi sapat na dahilan. Kung may karapat dapat na bigyan ng special jury award for performance ay si Sid Lucero na nakakuha ng double nomination kasi napakahusay niya sa dalawa niyang pelikula sa MMFF, lalo na sa “Topakk.” Lumabas tuloy na si Sid ang tunay na ginawang underdog dahil si Ruru ang ayaw nilang umuwi ng luhaan.
Kung ang rason naman ng mga hurado ay mahusay naman na si Sid at naka-ilang acting awards na sa loob at labas ng bansa, at first time na mahusay si Ruru kaya sa kanya na lang natin ibibigay ang award e, parang hindi tama.
7. Bakit hindi nominado si Eugene Domingo kahit deserving of a nomination ang ipinakita nyang performance sa “And The Breadwinner Is…?” Again, mga hurado lang ang nakakaalam. Wala ba ni isa o dalawang miyembro ng hurado na nagustuhan ang mga pagganap nila Eugene and Aga for that matter?
8. Bakit may mga pa-breakthrough awards sila? Di ba’t ang breakthrough ay iginagawad sa mga una o pangalawang natatanging pagganap lamang? Ang tagal ng artista ni Seth Fedelin, bakit kailangan siyang bigyan ng breakthrough award?
9. Bakit ang daming Special Jury Prizes? Halatang major distribution ang ginawa ng mga hurado at MMFF sa taong ito. Para ba everybody happy? Paano naman ang “Uninvited,” na mahusay na pelikula pero best float lang? Hindi na bale yung isang wala talagang napanalunan dahil deserving sa Chaka Khan award naman talaga.
10. Bakit hindi maayos ang pagkakatanghal ng Gabi Ng Parangal? Ika-50th year pa naman ng MMFF at meron namang budget. Pati ang buhay na buhay na si Eugene Domingo isinama sa In Memoriam segment ng palabas, Buti na lang nakatalikod ang apat na mang-aaawit kundi ay malilimutan nila ang mga lyrics kapag nakita nilang pinatay na si Eugene na nasa audience. Naglabas ng clarification ang organizers na kesyo luminaries daw ang mga ibinalandra sa screen pero ewan ko ha, habang pinapanood namin ito ay malabo, hindi klaro.
11. Bakit may mga pelikula na more than 200 to 300 ang nakatokang cinemas at yung iba ay 50 to 60 lang? Bakit hindi kaya ng pamunuan ng MMFF na paghatian ng sampung entries ang lahat ng sinehan, na pantay pantay ang number of theaters? Taon taon na lang problema ito ng mga kalahok na dehado. On the other hand, sali pa rin sila ng sali kahit alam nilang ganyan ang pamamalakad ng MFF at ng mga theater associations.
12. Sino ba ang nagde-decide sa roster of jury members? Walang kuwestiyon ang integridad ng mga miyembro ng hurado pero sana ay sinala naman nilang mabuti para walang maibatong puna sa kanila.
Example #1: Ang isang jury member na scriptwriter ay associated sa GMA Network so, hindi maalis na isipin ng iba e, sa “Green Bones” niya ibibigay ang boto niya.
Example # 2: Ang isa sa punong hurado ay malapit na kaibigan ng producer ng isang kalahok na pelikula so, hindi maaalis na magduda kung bakit nakakuha ng pinakamaraming nominasyon ang pelikulang ito, at bakit ang lead actress ng pelikulang ito ang eventual winner.
Example # 3. Ilang kaibigan ng spokesperson ng MMFF ang nasa hurado? Hindi din maiaalis na mapabuntong-hininga ang ilan sa resulta dahil manager siya nung nanalong best supporting actress, at asawa ng talent nya ang nanalong best actress.
Kasali kaya itong spokesperson sa deliberation ng mga hurado? Linilinaw namin na hindi namin kinukwestiyon ang kakayahan ng mga nanalo, ang punto lang namin ay sana masala ang mga uupo na jury members para walang masabi ang publiko.
Pahabol: Kahit isang dosenang tanong lang ang dapat, ay may pa-bonus kaming katanungan dahil hindi namin talaga matiis. Walang personalan, pero bakit litanya lagi si Sylvia Sanchez sa kanyang mga speeches? Sana maiksi lang at wag ng magkwento at magbalik-tanaw dahil sayang ang oras sa haba. Kung nakita ninyo lamang ang daming nag roll ng eyes habang nagtatalumpati sya, and to think na some of them are the same people na grabe ang pagbeso at pagyakap kay Sylvia throughout the night.
That’s all. Sa mga pagkakataong ganito, hindi natin masabi na mabuhay ang
Pelikulang Pilipino kasi ang plastik naman kung ang mga katanungang ito ay wala pa ding sagot na katanggap-tanggap hanggang ngayon.