MAGKASAMA na naman sina Raymart Santiago at Paolo Contis sa bagong afternoon series ng GMA7, ang “Villa Quintana” na magsisimula sa Nov. 4. Nagkatrabaho sila noon sa “Futbolilits.”
Parehas silang hiwalay na ngayon sa kanilang respective wives, Claudine Barretto for Raymart and Lian Paz for Paolo. Sa presscon ng “Villa Quintana,” tinanong namin si Raymart kung napag-uusapan ba nila ni Paolo ang mga sitwasyon nila ngayon. “Hindi. Kulitan lang kami sa set. Si Paolo, makulit ’yan. Mabiro, kaya parati kaming nagtatawanan,” wika ni Raymart.
Aniya pa, tinanong siya ng GMA kung kaya na ba niyang magtrabaho kahit may pinagdaraanan siyang mabigat na problema. “Sabi ko, mas kailangan kong magtrabaho para kahit papano, makalimot ako, malibang ang utak ko. At saka, kailangan ko ng pambayad sa abogado (laughs),” saad ni Raymart.
Dagdag pa ng aktor, hindi niya dinadala sa set ang problema niya. Never niyang hinayaang maapektuhan ang trabaho niya. Kaya naman, buung-buo ang tiwala sa kanya ng Kapuso Network at pinapirma pa siya ng two-year exclusive contract.
Gusto nang magka-baby
Fan ni Donna Cruz si Maricar de Mesa, kaya natutuwa ang huli na kasama siya sa cast ng “Villa Quintana.” Karakter noon ni Isabel Rivas sa original version ng VQ ang ginagampanan ni Maricar sa remake nito, tampok sina Elmo Magalona at Janine Gutierrez. Sina Donna Cruz at Keempee de Leon ang mga bida sa original version nito. Phenomenal hit series ito in the mid-90s.
Huling teleserye ni Maricar sa GMA ang “Sana’y Ikaw Na Nga” with Andrea Torres and Mikael Daez. Walang network contract si Maricar, kaya pwede siyang mag-cross over.
She’s married to basketball player Don Allado at seven years na silang kasal. Childless pa rin sila at ani Maricar, talagang pinag-usapan nila ng kanyang husband na hindi muna sila mag-aanak after they got married.Gusto nilang ma-enjoy muna ang isa’t isa.
“Pero ngayon, gusto na ng asawa kong magka-baby na kami. Bored na raw siya sa akin (laughs). Naglalaro pa rin ng basketball ang husband ko for Meralco team. Kaya pa naman niya for the next two years,” wika ni Maricar.
Pinaiyak
How true pinaiyak diumano ng staff ng “Face the People” si Tintin Bersola-Babao noong nag-taping sila ng naturang show? Ayon sa tsika, hindi raw naitago ni Tintin ang emosyon kahit nakarolyo pa ang kamera. Iyak pa rin daw ng iyak ang misis ni Julius Babao kahit natapos na ang taping.
Ano kaya ang sinabi ng staff kay Tintin, kaya umiyak siya? In any case, tampok sa episode mamaya ang kuwento ng isang 51-year-old bouncer na si Bobot. Siya ang uupo sa silya de konsiyensiya ng “Face the People.”
May live-in partner si Bobot, si Jenny. Pero nagkaroon siya ng pagnanasa sa isang lalaki nang nakilala niya si Patrick. May live-in partner din ito, si Jemma. Ano kaya ang gagawin ni Bobot kapag nakilala niya ito? Paano na si Jenny? Tutok lang sa “Face the People” mamaya sa TV5 at 4:30 p.m.