UMANI ng iba’t ibang reaction ang sinabi ni Marian Rivera na “kabiyak” niya si Dingdong Dantes sa acceptance speech niya sa nakaraang 1st Gintong Palad Awards Night na ginanap sa One Esplanade. Ang parangal ay mula sa Movie Writers Welfare Foundation, headed by movie writer and Solar Entertainment publicist Emy Abuan.
Kabilang sina Dingdong at Marian sa ginawaran ng parangal kaugnay ng mga ginagawa nilang pagtulong sa kanilang kapuwa, charity events at iba pang public service. Hindi nakarating si Dingdong dahil may prior commitment ito, kaya on his behalf, si Marian ang tumanggap ng kanyang parangal.
“Sa ngalan po ng aking kabiyak ay nakikita ko po ang kanyang pagmamalasakit at pagmamahal sa kanyang kapuwa, higit lalo po sa Yes Pinoy Foundation niya. Talagang ipinagmamalaki ko po siya,” bahagi ng pahayag ni Marian.
May mga nag-isip na hindi raw kaya secretly married na sina Dingdong at Marian? May mga nagsabi namang hindi na makapaghintay si Marian na maging legal wife ni Dingdong kaya pinapangunahan na niyang tawagin itong kabiyak.
If you care to know, daddy ang tawag ni Marian kay Dingdong gaya ng ibang misis sa kanilang mister. Ewan lang kung mommy ang tawag ni Dingdong kay Marian.
Di makapaniwala
Hindi pa rin nagsi-sink in kay Rachelle Ann Go na siya ang gaganap na Gigi sa revival ng “Miss Saigon” sa Prince Edward Theater sa London. Magsisimula ito sa May 2014. Feeling daw niya’y nananaginip lang siya noong may tumawag sa kanya at sinabing siya ang napili para gumanap bilang Gigi. Natulala siya.
Maraming local celebrities ang nag-congratulate kay Rachelle. Only then naniwala siyang totoo na talaga.
Isang prostitute si Gigi na ginampanan noon ni Isay Alvarez. “Sana, makayanan ko ang mag-two-piece,” ani Rachelle. Magwo-workout daw siya para magkaroon siya ng abs. Sa March next year ang alis ni Rachelle papuntang London para sa rehearsals ng “Miss Saigon.”
Ang Fil-Am 17-year-old na si Eva Noblezada, mula sa Charlotte, North Carolina, USA ang napili sa role na Kim na ginampanan noon ni Lea Salonga. Ang ibang Kapuso stars na nag-audition para sa naturang musical play ay sina Frenchesca Farr, Aicelle Santos at Rita de Guzman.
Kasama si Rachelle sa “Rhodora X” na sa January next year ang airing sa GMA Telebabad. Kung one season (3 months) ito tatakbo, sakto lang na bago umalis si Rachelle papuntang London ay patapos na ang naturang teleserye, headlined by Jennylyn Mercado, Mark Herras, Yasmien Kurdi, and Mark Anthony Fernandez.
Sungit-sungitan
Pinagtatawanan na lang nina Mark Herras at Jennylyn Mercado kapag napag-uusapan nila ang galit-bati nilang relasyon noon. “Super sweet kami, maya-maya, hindi na kami nagkikibuan (laughs),” recalls Jen. “Parehas pa kaming immature noon. Parati kaming nagseselosan.”
Two years tumagal ang kanilang relasyon at ayon kay Jen, walang bitterness, walang hatred sa kanila ni Mark. Nagtuluy-tuloy pa rin ang kanilang friendship hanggang ngayon.
Parehas silang single ngayon at ani Jen, sungit-sungitan siya ngayon sa mga nagtatangkang manligaw sa kanya. Bihira siyang mag-reply sa mga nagte-text o di kaya naman, “Ok” lang ang maikli niyang sagot sa mga nangungumusta sa kanya.
Bukod sa balik-tambalan nina Mark at Jen sa “Rhodora X,” magiging busy rin si Jen sa bago niyang album under GMA Records. Heartbreak ang concept ng album na all original compositions ni Vehnee Saturno ang laman.