by ROWENA AGILADA
NAG-TRAINING ng boxing for three months si Alwyn Uytingco para sa role niya sa “Beki Boxer (BB).” Closet queen siya rito at aniya, excited, sobrang pressured siya at big challenge ang biggest project ever na ipinagkatiwala sa kanya ng TV5. “Malaking responsibility kasi ang ibinigay sa akin ng network at nagpapasalamat ako sa chance na ’yun. Kailangang galingan ko,” ani Alwyn nang nakausap namin sa taping ng “Beki Boxer” sa Binangonan, Rizal.
Bagaman sanay na siyang gumanap sa gay role, nangangapa pa rin siya, nag-a-adjust sa karakter niya bilang Rocky, ayon kay Alwyn. May mga nagga-guide sa kanya at may acting coach sa set.
Minsan nga raw, nagpapraktis siya sa harap ng girlfriend niyang si Jennica Garcia. Nagbabading-badingan siya at sinasabihan siya nito ng, “Beh! Ano ka ba? Wala ka sa taping, no?”
Four years na sila together at ayon kay Alwyn, seryoso na sila sa kanilang relasyon. Napag-uusapan at pinagpaplanuhan na nila ang magpakasal. Alwyn is 26 years old at 24 si Jennica.
Bukod sa “Beki Boxer,” mainstay rin si Alwyn sa “Tropa Mo Ko Unli” na napapanood every Saturday. Kasama sina Ogie Alcasid, Wendell Ramos, Gelli de Belen, among others.
Suko na!
Sa tagal ng paghihintay at pag-aasam na mabigyan siya ng big break, sumuko na si Candy Pangilinan. “Ayoko na! Happy na ako sa career ko ngayon. Ayoko nang umasa. Ang daming pangako sa akin na hindi natupad. Ang daming projects na naudlot,”pahayag ni Candy nang nakausap namin sa taping ng “Beki Boxer.”
Aniya pa, hindi na siya choosy sa role basta may trabaho lang siya.” Ngayon pa ba ako mag-iinarte? Hello!”
First time siyang gaganap na nanay sa dalawang adults na sina Alwyn Uytingco at Cholo Barretto na 26 at 28 years old, respectively. Ani Candy, nasanay siya na 5 years old and below ang mga “anak” niya either sa pelikula o TV. In real life, may 10-year-old son si Candy.
Wala siyang love life ngayon dahil nakakasira raw ’yun sa kanyang career. Nakarelasyon niya ang TV-stage director na si GB Sampedro.
Gusto ring mag-artista
Hindi lang maging beauty queen ang pangarap ni Ladylyn Riva, 2014 Bb. Pilipinas candidate No. 39. Pangarap din niyang maging artista. Mahilig din siya sa modelling.
Kung papalarin siyang manalo sa Bb. Pilipinas beauty pageant, isa sa kanyang mga adbokasiya ay makatulong sa mga mahihirap na kabataan sa Payatas at sa mga matatandang naninirahan sa Kanlungan ni Maria home for the aged. Gusto rin niyang maging bahagi ng iba’t ibang charitable institutions.
Taga-Aklan si Ladylyn at gusto niyang maging inspirasyon siya ng mga kapuwa niya “promdi” ( probinsiyana) na mangarap nang husto at piliting abutin ang kanilang mga pinapangarap sa buhay.
Sa March 30 ang Bb. Pilipinas coronation night na gaganapin sa Araneta Coliseum na may live coverage ng ABS-CBN.
Trending
Happy ang cast ng “Rhodora X” sa trending nito sa primetime series ng GMA7. Lalo silang na-inspire na pagbutihin ang kanilang trabaho. Gabi-gabing tinututukan ang dual role ni Jennylyn Mercado bilang Rhodora at Roxanne. Nakakaawang, nakakainis siya.
Tatlo na ang karakter ni Jen dito at pumasok na ang ikalawang alter ego niyang si Rowena. Pagaling nang pagaling ang Kapuso actress sa kanyang pagganap. Keep it up, Jen!