by Rowena Agilada
“DISAPPOINTED!” ang sabi ni Chynna Ortaleza nang hingan namin siya ng komento tungkol sa hindi pagkasali ni Nora Aunor sa listahan ng National Artists ngayong taong ito. Magkasama sina Chynna at La Aunor sa indie films na “Hustisya” at “Dementia” at ani Chynna, isang malaking karangalan na katrabaho niya ang nag-iisang superstar.
Noong nabasa niyang wala ang pangalan ni La Aunor sa listahan ng National Artists, nalungkot siya at nadismaya. Tulad ni Robin Padilla, ani Chynna, gusto niya ring malaman ang tunay na dahilan kung bakit hindi nakasama ang superstar.
“Pero kita ko naman kay ate Guy na hindi siya bothered kung hindi siya kasama sa listahan ng National Artists. Pag nasa set kami ng ginagawa naming pelikula, parang wala lang ’yun sa kanya. Focused lang siya sa trabaho,” pahayag ni Chynna sa presscon ng GMA Artist Center para sa mga young female kontrabidas ng Kapuso Network.
Bad girl ang role ni Chynna sa “Dading” bilang Celine Villanca, pero aniya, hindi naman super bad. “Balanse lang. Iba na ang atakeng ginagawa ngayon ng GMA sa mga kontrabida role na ibinibigay sa amin. I really don’t mind. It’s just a job and I just do my best.”
Sa love department, single pa rin si Chynna matapos silang mag-break ni Railey Valeroso almost two years ago. Almost ten years ang naging relasyon nila. Railey was 17 years old then, 19 naman si Chynna at aniya, sobrang nag-focus sila pareho sa kanilang relasyon noon. “Ngayon, iba na ang thinking ko na hindi pala dapat puro romantic side lang ang focus. You have to grow individually. “
Break na rin
Break na rin sina Vaness del Moral at Biboy Ramirez. Kabilang si Vaness sa mga young female kontrabida ng GMA Artist Center na nakausap namin noong presscon. Huling napanood si Vaness sa “Rhodora X” at naghihintay pa siya ng kasunod na project. Aniya, okey lang kahit kontrabida role forever ang ibigay sa kanya.
June last year pa sila nag-break ni Biboy at ayon kay Vaness, pinag-usapan nilang huwag ’yun ipaalam sa press. Respeto na lang daw nila sa isa’t isa dahil maganda naman ang pinagsamahan nila sa four years nila together. Walang third party sa hiwalayan nila, pero pareho nilang iniyakan ’yun, ayon kay Vaness.
Para madali siyang maka-move on, lumipat si Vaness ng tirahan. Dati silang magkapitbahay ni Biboy sa Proj. 4, QC. Sa isang studio type condo sa West Avenue, QC nakatira ngayon si Vaness.
By the way, mapapanood si Vaness ngayong Sabado sa “Magpakailanman.” Sa episode na pinamagatang Lenylyn at “Lito: Pinutol na Kaligayahan,” tampok din sina Mark Anthony Fernandez (as Lito), Sunshine Dizon, Kiko Estrada at Rap Fernandez. Babaero si Lito. Hindi siya kuntento sa kanyang misis kaya naghanap pa siya ng ibang babaeng magpapaligaya sa kanya.
Sa galit ng kanyang asawa at para makaganti, pinutulan siya nito ng kanyang ari. Alamin kung paano ito tinanggap ni Lito. Tutok lang sa “Magpakailanman” pagkatapos ng “Marian” sa GMA7.
Kasal na
Natuloy din kagabi ang kasal nina Anthony (Dingdong Dantes) at Shiela (Lovi Poe) sa “Ang Dalawang Mrs. Real.” Hindi dumalo si Sonia (Coney Reyes) sa hiya niya kay Millet (Maricel Soriano). Ang daddy (Jimmy Fabregas) at kapatid (Rodjun Cruz) lang ni Anthony ang dumalo.
Sabi ni Lovi, maraming dapat abangan sa mga susunod na episodes ng ADMR ngayong kasal na sina Anthony at Shiela. Paano niya haharapin ang buhay may asawa sa piling ng isang lalaking may ibang pamilya?