by Rowena Agilada
PINAG-UUSAPAN pa rin ang pagkabog ni Alice Dixson sa mga mas bata at nagseseksihang models, celebrities at mga artista na rumampa sa Victory Party ng FHM Philippines 100 Sexiest Women. At her age (44 years old), hot na hot pa rin ang dating ni Alice sa audience noong rumampa siya sa stage.
Ang lakas ng sigawan at palakpakan. Nagtayuan pa ang audience at nag-agawan sa pagkuha ng pictures ni Alice. Kahit nagkaroon ng wardrobe malfunction, kering-carry ’yun ni Alice at hindi lumabas na bastos o malaswa ang dating niya on stage.
Naging hot topic din ang TV5 star online. Two days matapos siyang rumampa sa FHM Philippines 100 Sexiest Women Victory Party, pumalo sa No. 1 spot sa yahoo.com trending ang “Alice Dixson.” Umabot sa 2-million hits in just five hours ang gallery ng pagrampa ni Alice at lumobo sa halos 3.5-million hits as of this writing.
Umuulan din ng shares, likes at positive comments sa social media ang videos at photos ni Alice. Kaya naman sobrang thankful ang Kapatid star sa mga papuring natatanggap niya.
Huling napanood si Alice sa “Confessions of a Torpe” with Ogie Alcasid. Mag-e-expire na ang kontrata ni Alice sa TV5 and how true, lilipat na siya sa ibang network? Or, mananatili siyang Kapatid?
Babalik na?
How true naman kaya ang tsikang diumano’y babalik sa ABS-CBN si Jolina Magdangal? From the grapevine, may nakakita raw kay Jolens noong nagpunta siya sa Kapamilya Network. Hindi raw kaya, nakipag-meeting si Jolens sa ilang executives? O, baka naman, may dinalaw lang siya roon?
And how true pa rin kaya ang tsikang diumano’y hindi na raw masaya si Jolens bilang Kapuso? Isa lang ang show niya sa GMA7, SAS (“Sunday All Stars”) at hindi naman siya kabilang sa main hosts. Kumbaga, pang-sahog lang si Jolens sa mga performer. May we hear from Jolens and her camp?
Wagi
Kung parehong “nganga” sina ER Ejercito at KC Concepcion at inisnab ng ibang award-giving bodies ang acting nila sa “Boy Golden: Shoot to Kill,” wagi naman sila sa nakaraang FAMAS Awards Night bilang best actor at best actress, respectively, para sa naturang pelikula.
Official entry ang “Boy Golden: Shoot to Kill” sa nakaraang 2013 Metro Manila Film Festival at disappointed si ER na hindi nanalong best actress si KC. Nganga rin si ER na lost din bilang best actor.
May entry na naman si ER ngayong 2014 Metro Manila Film Festival (nakalimutan namin ang title ng movie) dahil gusto pa rin niyang patuloy na makatulong sa small workers sa industriya. Mas matututukan na ngayon ni ER ang kanyang showbiz career matapos siyang pababain sa puwesto bilang governor ng Laguna.