Hindi naging close sina Marian Rivera at Sheena Halili noong nagkatrabaho sila sa “Amaya.” Sina Ana Feleo at Roxy Barcelo na mga kasama rin nila sa naturang serye ng GMA7 ang naging close friends ni Marian at sila ang bridesmaids ng Kapuso Primetime Queen sa kasal nito at ni Dingdong Dantes on December 30 this year.
Ayon kay Sheena, hindi kasi siya nakakasama kapag may bonding moments ang tatlo, kaya hindi sila naging super close friends ni Marian. Hindi naman siya nagtatampo kung hindi siya kinuhang bridesmaid ni Marian. “Sabi ko sa kanya, kahit hindi niya ako imbitahin, pupunta pa rin ako sa kasal niya,” sambit ni Sheena. “Oo, tagasilbi ka,” joke raw ni Marian. “‘Waitress?’ sabi ko naman,”dagdag pa ni Sheena.
By the way, may guest role siya sa “Hiram na Alaala” na aniya, feeling niya, parang first time uli niya gumawa ng teleserye. Naninibago siya, ayon kay Sheena. Last year pa kasi ang huling teleserye niya, “Binoy Henyo.”
Ipinaglihi kay Mama Mary
Ipinaglihi pala sa mga mata ni Mama Mary ang mga mata ni Nora Aunor. Ito ang sabi niya kay Jessica Soho noong nag-guest siya sa “Kapuso Mo Jessica Soho.” Ayon sa Superstar, noong ipinaglilihi siya ng kanyang yumaong Mamay Tunying, parati nitong tinitingnan ang mga mata ni Mama Mary.
Kaya pala, kakaiba ang ningning ng mga mata ni Guy. Parang nangungusap. Ang mga mata niya ang panlaban niya sa aktingan, kahit wala siyang dialogue sa mga eksena niya.
Ayon pa kay Guy, asiwa siya at hindi komportable kapag tinatawag siyang superstar na si Kitchie Benedicto ang nagbansag sa kanya. Para sa kanya, iisa lang ang superstar at si Jesus Christ ‘yun.
Revelation ang sinabi ni Guy na tatlong araw siyang tulog noong sumailalim siya sa isang procedure sa isang clinic sa Japan. Binutasan ang lalamunan niya na naging sanhi para masira ang boses niya. Nag-fifty-fifty ang buhay niya, ayon pa sa Superstar. Hindi naman naapektuhan ang kanyang vocal cords. Maibabalik ang dati niyang boses sa pamamagitan ng throat surgery.
Nakatakdang umalis this month si Guy papuntang Los Angeles, USA para tumanggap ng isang award. Pagkatapos ay tutuloy siya sa Boston, Massachussetts para sa kanyang throat surgery, kung hindi magbabago ang plano. Aniya, itutuloy pa rin niya ang demanda laban sa isang clinic sa Japan. Sumangguni na si Guy sa isang kilala at mahusay na lawyer.
Ayaw maging shadow
Ayaw magpa-pressure ni Diego Loyzaga dahil anak siya ni Cesar Montano. Aniya, aware siyang ikinukumpara siya parati sa kanyang daddy na isang multi-awarded actor. “Alam ko, malaki ang expectations sa akin dahil si Cesar Montano ang daddy ko. Kung ‘yun ang parati kong iisipin, mako-conscious ako at hindi ko mapapagbuti ang acting ko. Gusto kong magkaroon ng sariling identity. Ayokong forever maging shadow ng daddy ko. Of course, I’m proud to be his son,” wika ni Diego.
Second year college na sana siya sa kursong Multi-Media Arts sa De La Salle University. Naka-leave siya ngayon sa school, pero nangako siya sa kanyang daddy na kapag naayos na ang kanyang schedule, ipagpapatuloy niya ang kanyang pag-aaral.
Napapanood si Diego sa “Wattpad Presents: Mr. Popular Meets Ms. Nobody” sa TV5 at 7 p.m. Week-long mini-series ito na tinatampukan ng Artista Academy scholars na sina Mark Neumann at Shaira Mae dela Cruz. Kasama rin sina Pam Mendiola, Shirely Fuentes, Lander Vera-Perez, Carlos Morales, Perla Bautista, among others. Directed by Jay Altarejos.