This Sunday (October 5) na magsisimula ang “Bet ng Bayan,” hosted by Regine Velasquez-Alcasid and Alden Richards. Sa GMA7 ito every Sunday (9:40 to 10:40 p.m.) at may updates, Monday to Friday (10:05 to 10:20 pm). Directed by Mark Reyes.
First and only choice ng GMA si Alden para maging co-host ni Regine. First hosting stint ito ni Alden na aniya, sobrang thankful siya and honored na maging bahagi ng BNB. Noong ialok ang project sa kanya at nalaman niyang si Regine ang makakatrabaho niya’y kinabahan siya, ayon kay Alden. “Baka kasi hindi ako makasabay sa energy ni Ms. Regs. Hindi naman ako nailang sa kanya dahil very approachable siya at very supportive. She’s making everything so easy for me,” saad ni Alden sa presscon ng BNB.
Ayon naman kay Regine, madaling katrabaho si Alden. “Parang pamangkin ko siya (laughs). Cute siya. He’s a giving person, no stress,” ani Regine. Aniya pa, exciting talent show ang BNB dahil naglilibot sila sa iba’t ibang probinsiya para dumiskober ng iba’t ibang talento. Dala pa nila ang set ng BNB, kaya “madugo” (as in magastos) ang budget.
Sinimulan ang nationwide auditions noong July na ayon kay Regine, meron na siyang bet sa kantahan at sayawan. Marami raw magagaling na nagpakita ng kanilang mga natatanging talento. Regular judges sina Kuh Ledesma at Louie Ocampo. Every week ay may guest judge, ayon kay Regine.
Threat nga ba?
Hosting muna ang focus ngayon ng Asia’s Songbird na aniya grateful siya sa GMA dahil naiintindihan ng big bosses ang pagiging nanay niya sa anak nila ni Ogie Alcasid na si Nate who’s turning three on November 8. Priority niya ang kanyang pamilya, ayon kay Regine. Once a week lang siya nagte-taping ng BNB at overnight lang kapag out of town dahil hindi niya kayang mahiwalay nang matagal kay Nate. Twice a month naman ang taping niya sa “Sarap Diva.”
Hopefully, next year ay tatanggap na siya ng acting project. Pero depende sa ilalatag sa kanya ng GMA. Kung right project at right role, go! May Christmas special siyang gagawin para sa GMA News and Current Affairs na isang acting role, ayon kay Regine.
May nagtanong kung nati-threaten ba siya kay Angeline Quinto dahil may mga nagsasabing most likely, ito ang papalit sa kanyang trono. “No! I’m not threatened. She has her own time and I’m happy for her. Magaling siya,” saad ng Asia’s Songbird.
Ayon pa kay Regine, hindi niya iniisip na komo binansagan siyang Asia’s Songbird ay kailangang diva-divahan na siya at dapat ay igalang siya. “Pantay-pantay lang kami ng mga katrabaho ko kapag nasa set kami. Isa lang naman ang nakatrabaho ko noon na parati akong pinaghihintay,” lahad ni Regine. Kahit ano’ng pangungulit ng entertainment writers na sabihin kung sino ‘yun, hindi siya napilit.
Hindi choosy
Puring-puri ng entertainment press si Alden Richards dahil nananatili siyang mapagkumbaba sa kabila ng magandang tinatakbo ng career niya ngayon. Walang angas, walang reklamo. “Hindi naman ako choosy sa mga ibinibigay na project sa akin ng GMA. Sila ang mas nakakaalam kung ano ang nararapat para sa akin. I’m a very patient person. I’m willing to wait. Everything is in God’s time,” pahayag ni Alden.
Bukod sa “Bet ng Bayan,” meron pa siyang “Ilustrado” na malapit na ring mapanood. Four-week mini-series ito. Mainstay din si Alden sa “Sunday All Stars”. Meron pa siyang gagawing pelikula, “Cain at Abel” with Mark Herras at magsisimula ang shooting this month.
Sa sobrang busy schedule ni Alden, no time siya para manligaw, kaya wala siyang girlfriend. Hindi naman daw siya naghahanap. “Career muna,” he said.