MASAYA ang buong cast ng “The Half-Sisters” dahil hanggang January next year pa ang airing ng kanilang show. Consistent top rater ito sa mga afternoon drama ng GMA7.
’Kaaliw ang set visit namin sa Marikina Hotel. Naglaglagan sina Barbie Forteza at Derrick Monasterio na gumaganap bilang Diana at Baste sa “The Half-Sisters.” Sabi ni Derrick, hindi niya niligawan (o nililigawan) si Barbie kahit halata niyang may gusto ito sa kanya.
“Sino ba naman ang hindi magkakagusto sa akin?” wika ni Derrick.
Nagustuhan naman daw niya si Barbie dahil mabait ito. “Mahal ko siya. Mahal ko ang pera niya (laughs),” sabi ni Derrick.
“Ang kapal talaga ng mukha mo!” sambit naman ni Barbie. “Mahal ko rin si Derrick. Pantay ang makakapal niyang mga kilay (laughs).”
“Eh, Ikaw? Malapad ang mukha mo. Maliit ang mga braso,” buwelta ni Derrick. “Platonic love lang ang namamagitan sa amin ni Barbie. Walang something romantic. Asaran, pikunan kami. Enjoy-enjoy lang ang friendship.”
Lilipat sa ABS-CBN?
Aminado si Derrick Monasterio na may someone special siya. Kapatid ’yun ni Yassi Pressman.
“Buti hindi ka siniraan ni Yassi sa kapatid niya?” joke namin. Ngumiti lang si Derrick at aniya, nagulat nga raw si Yassi noong nalaman nitong “sila” na ng sister nito.
Nilinaw naman ni Derrick ang isyung diumano’y gusto ng mommy niya (former sexy star Tina Monasterio) na ilipat siya sa ABS-CBN. Diumano’y hindi ito masaya sa tinatakbo ng career ni Derrick sa GMA7.
“Hindi totoo ’yun!” pagtanggi ni Derrick. “Masaya ako sa GMA. Five years ang kontrata ko. Marami na sila sa ABS-CBN, wala akong lugar doon,” ani Derrick.
Wala ba siyang demands o reklamo para magpa-release ng kanyang kontrata? “Ah! Wala. Hindi ako naiinip sa paghihintay kung kailan ako mabibigyan ng biggest break. Basta pinagbubuti ko lang ang trabaho ko,” lahad ni Derrick.
Nag-aaral siya ngayon under the Angelicum College Home Study Program. Fourth year high school siya. Gusto niyang maging airline pilot at pag-aaralin daw siya ng kanyang daddy na naka-base abroad. Kay guwapong piloto ni Derrick kapag nagkataon.
Minalas sa buhay
Naniniwala ba kayong may engkanto? Ilalahad ngayong Sabado sa “Magpakailanman” (“Masamang Engkanto”) ang kuwento ng isang pamilya na diumano’y nagkasunud-sunod ang masasamang pangyayari sa kanilang buhay simula nang patayin nila ang puno ng mangga sa kanilang bakuran.
Sa makabagong panahon ngayon, hindi sila naniniwalang may engkanto. Subalit paano ipaliliwanag ang mga malas na dumating sa buhay ng pamilyang ito?
Tampok sina Sunshine Dizon, Jay Manalo, Susan Africa, Spanky Manikan, Lollie Mara at Nicole Dulalia. Tutok lang sa MPK pagkatapos ng “Marian.”