SI Governor Vilma Santos-Recto ang original choice ni direk Romy Suzara para sa female lead role sa “Sigaw sa Hatinggabi” na kasali sa Sineng Pambansa National Film Festival (Horror Plus) 2014. Subalit nagkasakit ang actress-politician, kaya humanap si direk ng kapalit.
’Yung role intended kay Gov. Vi na isang 50-year-old woman ay napunta kay Regine Angeles na ibang karakter sana ang gagampanan sa naturang pelikula.
Happy si Regine kahit second choice siya dahil first starring role niya ito. Aniya, dati’y supporting role ang parating naibibigay sa kanya, either kaibigan ng bidang babae, kabit, o kontrabida. After seven years sa showbiz, nabigyan din siya ng lead role.
Birthday ni Regine on Oct. 29 at aniya, magandang birthday gift ito sa kanya. Timing na simula rin ’yun ng Sineng Pambansa National Film Festival (Horror Plus) na ipapalabas ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) hanggang Nov. 4.
Premiere night ngayong Huwebes ng “Sigaw sa Hatinggabi” sa SM North The Block Cinema.
Isang babaeng medium na may third eye ang role ni Regine at kapareha niya si Richard Quan who plays her loving and supportive fiance. Kapuwa talents ng DMV Entertainment, Inc. ni direk Manny Valera sina Regine at Richard.
May limitations
First male lead role ni Richard Quan sa “Sigaw sa Hatinggabi,” kaya happy rin siya sa pagkakataong ibinigay sa kanya ni direk Romy Suzara. First time rin nina Richard at Regine magkatrabaho sa pelikula.
Pareho rin silang kasapi sa Iglesia ni Cristo (INC) at anila, may mga limitation sila sa pagtanggap ng project. “Kung duda kami sa role, nagtatanong kami,” wika ni Richard.
Nalaman namin mula kina Regine at Richard na diumano’y itiniwalag na ng INC ang isang aktres. Nag-asawa kasi ito ng hindi kasapi sa INC at nagkaanak pa. May ruling sa INC na dapat ay kapanalig mo ang mapangasawa mo.
In any case, may dalawang festival movies si Richard na kasali sa 2014 Metro Manila Film Festival. Ang “Shake, Rattle & Roll 14” at kasama siya sa “Kulam” episode with Cris Villongco. Kasama rin si Richard sa “Andres Bonifacio” with Robin Padilla.
Napapanaginipan
Naitsika ni direk Romy Suzara na parati niyang nakikita sa kanyang panaginip ang mga yumao niyang kaibigang action stars na sina Fernando Poe, Jr. at Rudy Fernandez.
Aniya, may dalawang pelikulang kinamatayan ni FPJ na hindi pa nila tapos gawin. “Kahit Isang Butil, Wala Akong Ititira” at “Tahimik Ngunit Mapanganib” ang pamagat ng mga ito, ayon kay direk Romy.
Aniya, kung papayag sina Susan Roces at Senator Grace Poe, gusto niyang tapusin ang dalawang pelikula. Baka raw ’yun ang gustong ipahiwatig ni FPJ.
Si Rudy naman daw, gusto nitong gumawa ng pelikula bago ito namatay. Nang dalawin niya ito noong nagkasakit, sinabihan daw siya ni Rudy na nami-miss na niya ang paggawa ng pelikula. May concept na sila ng gagawing pelikula kung hindi namatay si Rudy.
Ayon pa kay direk Romy, kapag napapanaginipan niya sina FPJ at Rudy, wala namang sinasabi ang mga ito. Basta, nakatingin lang sa kanya.
“Mabuti na lang, hindi nila ako tinatawag na sumama na sa kanila,” sambit ni direk Romy. Aniya pa, dinalaw niya ang puntod ng mga ito. Sa La Loma cemetery si FPJ at sa Heritage Park si Rudy.
Parehong naging close friends niya sina FPJ at Rudy, at ayon kay direk Romy, nagselos pa noon si FPJ kay Rudy. Mas marami kasi siyang pelikulang nagawa with Rudy, ani direk Romy. Twenty movies ang nagawa nila at pinakagusto niya ang “Pepeng Shotgun.”