CONGRATULATIONS to Dennis Trillo na nag-uwi ng karangalang Highly Commended Award for Best Actor in a Lead Role sa 19th Asian TV Awards (Dec. 11) na ginanap sa Singapore. Second placer ang Kapuso Primetime Drama King for his performance bilang isang closet homosexual sa “My Husband’s Lover,” first gay themed series ng GMA7 last year.
Naging presenter din si Dennis para sa Best Lifestyle Program at Best Current Affairs/Host noong awards night. Kasamang dumalo ni Trillo si direk Dominic Zapata na nominated naman for Best Director para sa “My Husband’s Lover.”
May festival entry si Dennis sa 2014 Metro Manila Film Festival, ang “Shake, Rattle & Roll XV” ng Regal Entertainment. Nasa “Ulam” episode si Dennis with Carla Abellana na si Jerrold Tayag ang direktor.
Tampok naman sina Erich Gonzales at JC de Vera sa “Ahas” episode with Dondon Santos at the helm. Magkasama naman sa “Flight 666” sina Lovi Poe at Matteo Guidicelli, directed by Perci Intalan.
Natatawa na lang
First acting role ng rapper na si Abra ang sa “Kubot: The Aswang Chronicles.” Aniya sa presscon, natutuwa siya at isang malaking karangalan na bahagi siya ng naturang pelikula. Entry pa ito sa 2014 Metro Manila Film Festival at excited siyang mag-join sa Parade of Stars.
Ayon pa kay Abra, mahilig siyang manood ng pelikula at pinangarap din niyang maging artista. Hindi naman niya binigo ang direktor na si Erik Matti na nagpahayag na very charming siya (Abra) as an actor. Naka-deliver naman ang rapper ng role niya, ayon kay direk. Sana raw, gumawa pa si Abra ng pelikula.
Kasama rin sa “Kubot: The Aswang Chronicles” si Julie Ann San Jose na nali-link kay Abra. Ani Julie Ann, nakakatawa ang isyu. Hindi niya alam kung saan galing o sino ang nagpasimuno nito.
“Friends lang kami ni Abra. Nagkikita lang kami sa work,”paglilinaw ni Julie Ann.
“Hindi naman sila bagay. Matangkad si Julie Ann kay Abra at saka mukha silang mag-ate,” komento ng katabi naming reporter.
Potential Action Queen
Aksiyun-aksiyunan si Isabelle Daza sa “Kubot: The Aswang Chronicles.” Hanga sa kanya si Dingdong Dantes at anang Kapuso Primetime King, pwedeng maging Action Queen si Isabelle. Wala raw itong takot sa ginawang stunts, gaya ng paggapang at pagtalon mula sa mataas na building.
May song and dance number pa si Isabelle na dapat abangan sa pelikulang ito, ayon kay Dingdong. Nagkatrabaho na sila sa isang GMA series (”Genesis”), kaya komportable na sila sa isa’t isa.
Ayon kay Isabelle, hindi niya ipinaalam sa kanyang mommy (Gloria Diaz) na may action scenes siya sa “Kubot,” dahil alam niyang magagalit ito at hindi papayag.
“Ipinaalam ko na lang sa kanya noong natapos nang kunan. Natakot siya, pero hindi naman siya nagalit,” kuwento ni Isabelle sa presscon.
Senior citizens
Bida ang mga senior citizens na sina Leo Martinez, Bembol Roco, Pen Medina, Rez Cortez, Soxie Topacio at Boy Alano sa pelikulang “Gangster Lolo.” Action-comedy ito na prodyus ng Cosmic Raven Ventures Productions (CRV) nina Randy at Marilou Nonato, Rylan Flores, Edgar at Aida Peria, Maureen Carias. Si Willy Mayo ang direktor.
Ang “Gangster Lolo” ay tungkol sa isang grupo na si Leo ang leader. Nasangkot sila sa series ng nakawan hanggang nahuli sila nang hold-upin nila ang isang jewelry shop.
Nakulong sila at nagbagong-buhay noong nasa bilangguan. Pagkalaya nila, ipinamigay nila sa mga kasama nila sa isang tenement house ang perang nakulimbat nila. Palabas na ang “Gangster Lolo” simula ngayon sa mga sinehan.