ANG pamilya niya ang kasama ni Dennis Trillo magse-celebrate ng Christmas. Mag-iikot-ikot sila sa bahay ng kanilang relatives. Simpleng celebration lang, anang Kapuso Primetime Drama King .
Kung may time, baka mag-ikot din siya sa mga sinehan kung saan palabas ang “Shake, Rattle & Roll XV.” Kasama si Dennis sa “Ulam” episode with Carla Abellana. Isa itong psychological thriller na dinirek ni Jerrold Tarog. Dahil sa isang Taong Itim na nananahan sa isang lumang bahay, sinaniban ng masamang espiritu sina Dennis at Carla dahil sa mga ulam na kinakain nila.
Hindi masabi ni Dennis kung alin sa tatlong episodes ng SRR XV ang pinakamaganda. Ang mga manonood daw ang makakapaghusga. Kumpleto rekados ito dahil sa pambihirang istorya nito na bawat episode ay pinamahalaan ng tatlong batikang direktor.
May festival entry rin ang ex-girfriend ni Dennis na si Jennylyn Mercado. “English Only, Please” kung saan kasama ni Jennylyn si Derek Ramsay.
Publicity-wise, “maingay na maingay” ang SRR XV. Maraming beses nag-presscon ito, samantalang isang beses lang ang “English Only, Please.”
Friends lang
Noong nakausap namin si LJ Reyes sa set ng “Yagit” at tanungin kung nanliligaw ba sa kanya si JC de Vera, ito na lang daw ang tanungin namin. Ang inamin ni LJ ay lumalabas sila ni JC either grupo sila o silang dalawa lang paminsan-minsan.
Sa presscon ng “Shake, Rattle & Roll XV,” ang press release ni JC ay friends lang sila ni LJ. Hindi pa siya nanliligaw, kaya wala pa siyang ise-share sa entertainment press. “Eventually,” sabi ni JC. “Sa ngayon, padalaw-dalaw lang muna ako.”
So, there! Abang-abang na lang sa mga susunod na kabanata sa isyung JC at LJ.
Nasa “Ahas” episode si JC kasama si Erich Gonzales. Urban legend ito tungkol sa isang ahas sa mall.
Isang dambuhalang ahas ang nilikha para sa movie. Ibinuhos ang malaking budget ng episode sa halimaw na ’yun upang lumabas na makatotohanan at nakakawindang ang hitsura nito.
Nasa cast din sina Jason Francisco, Melai Cantiveros, John Lapus, Ariel Rivera at may special participation si Solenn Heussaff. Directed by Dondon Santos.
Triple enjoyment
Kung kine-claim ni Vice Ganda na magna-Number 1 sa 2014 Metro Manila Film Festival ang “The Amazing Praybeyt Benjamin,” heto naman ang sabi ni Vic Sotto, ito (‘My Big Bossing’). Pwede kong ipagyabang, pero hindi ko gawain ’yun.”
Anang TV host comedian, triple ang sulit na ibabayad sa takilya dahil tiniyak niyang pag lumabas ng sinehan ang mga manonood ay matutuwa ang mga ito. “Wish ko lang na kung hindi man ma-break ang kinita ng ‘My Little Bossing’ last year, makapantay ang ‘My Big Bossing’ sa box-office returns. Feeling ko naman, mabi-break nito ang record ng ‘My Little Bossing’ para masaya ang Pasko at pasok ng 2015.”
Aniya pa, triple enjoyment ito dahil tatlong episodes ang “My Big Bossing.” Excited si Vic mapanood ang kabuuan ng pelikula. Rough copy pa lang ang napanood niya. Wala pang musical scoring.
Bagong Action King
Hindi matanggap ni Robin Padilla na siya ang bagong Action King. Ito kasi ang itinawag sa kanya ng press people sa presscon ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo.” Ani Robin, isa lang ang Action King na ang tinukoy niya’y ang yumaong Fernando Poe, Jr.
Aniya pa, noong kapanahunan niya’y marami siyang pinagdaanan. Ngayon daw, marami nang peke na hindi siya nag-elaborate sa ibig niyang sabihin.
Tanggap ni Robin na hindi na panahon ngayon ng action movies. Hindi gaya noon na namayagpag ang ganitong genre.