BUKOD sa pagkanta, ang pagsulat ng tula ang bagong kinahihiligan ni Julie Anne San Jose. Aniya, nagsisilbing hugot lines ang mga ’yon. Paraan para maka-konek sa mga tao at maiparamdam na hindi sila nag-iisa at may nakakaintindi sa kanila. Aniya pa, pang-tanggal din ng stress.
Kagagaling lang ni Julie Anne mula USA kung saan nagkaroon siya ng intimate show sa Fort MacKinley, San Francisco. Nakipag-jamming siya sa kanyang Filipino fans doon at sobrang nag-enjoy siya, ayon sa GMA Artist Center talent at Kapuso star.
Nag-shoot din sa USA si Julie Anne ng music videos para sa tatlong singles niya na iri-release next month. Isa na rito ang “Tidal Wave” na recently ay inilabas sa digital format sa iTunes.
Kamakailan naman ay pumirma si Julie Anne ng kontrata sa Motortrade bilang bagong ambassador para sa campaign nitong “Learn to Drive Safely.”
Nagte-taping na rin si Julie Anne ng bago niyang teleserye sa GMA7, ang “Buena Familia” kung saan si Jake Vargas ang kanyang kapareha. Tampok din sina Kylie Padilla, Martin del Rosario, Mona Louise Rey, Bobby Andrews at Angelu de Leon. Directed by Gil Tejada.
Producer na rin
Hindi lang artista, kungdi producer din si Joross Gamboa ng “I Love You, Thank You.” Kasama ito sa eight official entries sa Filipino New Cinema section ng World Premieres Film Festival 2015.
Gay ang role ni Joross dito pero aniya, kakaibang atake ang ginawa niya kumpara sa previous gay roles na ginampanan niya. Ayaw na sana niya sa gano’ng role. Pero noong nabasa niya ang script, nagbago ang isip niya.
Sa Thailand, Vietnam at Cambodia kinunan ang pelikula, kaya iisiping malaki ang budget. Itinanggi ito ng direktor nitong si Charliebebs Gohetia. Aniya, para-paraan lang ang ginawa nila. Panakaw at mabilisan lang ang pagkuha nila ng mga eksena dahil wala silang permit to shoot.
Sa June 26 at 6 p.m. ang gala premiere ng “I Love You, Thank You” sa SM The Block Cinema. June 25-27 ang gala premieres ng walong entries sa Filipino New Cinema section na ipalalabas sa SM North EDSA cinemas. June 28 ang Awards Night sa SM Mall of Asia. Regular run mula June 29 to July 7.
By the way, happy expectant father si Joross. Five months pregnant ang non-showbiz wife niyang si Katz Saga at baby boy ang isisilang nito sa October this year. Ikinasal sila November of last year.
Di pressure
Hindi pressure kay Gab de Leon ang pagiging anak ng isang Christopher de Leon. Aniya, kapag ’yun ang inisip niya, hindi niya magagampanang mabuti ang trabaho niya.
Gusto lang isipin ni Gab na ang daddy niya ang kanyang inspirasyon at marami siyang natututunan, acting-wise. Ito rin ang nagturo sa kanya ng disiplina sa trabaho. Nakikita niya sa kanyang daddy kung gaano ito ka-passionate sa craft nito at ’yun ang gusto niyang tularan.
Magkasama ang mag-ama sa upcoming primetime series ng GMA7, ang “Beautiful Strangers.” Hindi mag-ama ang ginagampanan nila, pero thankful si Gab na magkatrabaho sila. Looking forward siya sa mga eksena nila together ng kanyang daddy Christopher, ’yung may intense emotions involved.
Kasama sa cast ng “Beautiful Strangers” sina Heart Evangelista, Lovi Poe, Rocco Nacino at Benjamin Alves.