KAY German “Kuya Germs” Moreno lang nalaman ni Nora Aunor na nanalo siya ng Best Actress mula sa Climate Change International Film Festival Fiction Awards para sa pelikulang “Taklub.” Sa Taiwan gaganapin ang Awards Night early next year.
Na-phone patch interview ni Kuya Germs sa kanyang radio program, “Walang Siesta,” sa DZBB ang superstar at nagulat pa siya nang ipaalam nito sa kanyang nanalo siya. Ani Guy, hindi niya akalain.
Hindi nakadalo si Guy sa 6th Cannes International Film Festival para sa naturang movie dahil economy class ang ibinigay na plane ticket sa kanya. Siguro naman, hindi na economy class ang ibibigay na plane ticket sa superstar kung pupunta siya sa Taiwan para dumalo sa Awards Night ng CCIFFFA.
May gagawing bagong movie si Guy, “Kabisera” na aniya’y intended sa 2015 Metro Manila Film Festival. Under negotiation pa ang isang movie project na gagawin din ng superstar.
Paano na kaya ang kanyang throat operation? Sinagot na ni Boy Abunda ang magagastos ni Guy. Ano na kaya ang nangyari sa sinabi ni Kris Aquino na willing pa rin siyang sagutin ang plane ticket ni Guy papuntang Boston, Massachusetts sa kabila ng ginawa nitong pagbatikos sa kanyang kuya PNoy?
Balik-Boy Palma nga pala si Guy bilang manager niya. Noong nagkaroon sila ng falling out, si Angge ang tumayong manager ng superstar. Ano kayang nangyari? Dahil kaya walang naibigay na project si Angge kay Guy kahit talent coordinator pa siya ng ilang programa ng ABS-CBN? O, may ibang dahilan?
Biggest project
This Sunday (June 14) na magsisimula ang “Happy Truck ng Bayan” (HTNB) sa TV5 at 11 a.m. Hindi nababahala ang hosts na sina Ogie Alcasid at Janno Gibbs na baka masabihan silang walang utang na loob, o kinakalaban nila ang pinanggalingan nilang network (GMA7). Hindi katapat ng SAS (“Sunday All Stars”) ang HTNB dahil 2:30 p.m. ang SAS.
Game-musical-variety show ang HTNB at libu-libong papremyo ang ipamimigay sa iba’t ibang segments ng show. Biggest project ito ng TV5 ngayong 2015 kung saan magsasama-sama ang mga Kapatid stars tulad nina Derek Ramsay, Jasmine Curtis-Smith, Gelli de Belen, Mariel Rodriguez, Mark Neumann, Shaira Mae dela Cruz, Vin Abrenica, Sophie Albert, Akihiro Blanco, Chanel Morales plus ang mga komedyanteng sina Tuesday Vargas, Kim Idol at Empoy.
Maglilibot sila sa iba’t ibang barangay para maghatid ng saya at ligaya. Brainchild ni TV5 Chief Entertainment Content Officer Wilma Galvante ang HTNB at directed by GB Sampedro.
Di nakatulong
Hindi nakatulong kay Louise delos Reyes ang ampon issue sa kanya. Wala pa rin siyang bagong show sa GMA7. Sa mga bagong programang ipapalabas ng Kapuso Network, wala sa cast si Louise. Huling teleserye niya ang “Kambal Sirena.”
How true na kaya raw hindi diumano binibigyan ng bagong show si Louise ay dahil nagpaitim siya? May gano’ng factor?
Kabaligtaran ito ni Senator Grace Poe na mas lalong bumango ang pangalan dahil sa ampon issue sa kanya. Pinagpipistahan ito ng media at kanya-kanyang imbestigasyon ang ginagawa para malaman ang buong katotohanan ng kanyang pinagmulan. Woman of the hour ngayon ang adopted daughter ng former Movie Queen na si Ms. Susan Roces and the late Action King Fernando Poe, Jr.