EWAN kung seryoso o joke lang ni Marlo Mortel nang sabihin niya sa presscon ng “Haunted Mansion” na pusa na may kasamang ampaw (red envelope) with R1,000 ang Christmas gift niya kay Janella Salvador. Mahilig daw kasi sa pusa si Janella.
Necklace naman ang ibibigay ni Jerome Ponce kay Janella na may kasama ring ampaw. Unan naman ang ibibigay ni Janella kay Marlo dahil mahilig daw itong matulog. Kahit nga raw nakatayo, nakakatulog si Marlo.
Wala pang naiisip si Janella na ireregalo kay Jerome, kaya tinanong niya ito kung ano bang gusto nito. Hindi namin narinig ang sagot ni Jerome dahil may kaingayan. Kanya-kanya kasing tsikahan ang press.
Safe ang sagot ni Janella nang tanungin siya kung sino kina Marlo at Jerome ang mas close sa kanya. “Pareho silang close sa akin. We’re all friends,” ani Janella.
Anyway, sanib-puwersa ang kanilang fans (Mar-Nella at Jer-Nella) sa pagpu-promote ng pelikula nila sa social media.
First movie ito nina Marlo, Janella at Jerome. Nang ilabas ng Regal Entertainment ang official poster at full trailer ng “Haunted Mansion,” nag-worldwide trending ito sa Twitter. Inabot ito ng ilang milyong views at likes dahil hitik sa mga eksenang katatakutan.
Iniakma ang kuwento ng HM sa mga kabataan ngayon na haling na haling sa social media at walang pakialam sa mga nangyayari sa kanila, masunod lang ang kanilang layaw. Directed by Jun Lana, entry ang HM sa 2015 Metro Manila Film Festival.
Hardest job
Sa get-together with the entertainment press ni dating MMDA Chairman Francis Tolentino, sinabi niyang hardest job niya ’yun. “I believe, ginawa ko naman ang tama. Maipagmamalaki kong never akong na-involve sa kasong graft and corruption. Ginawa ko lang ang trabaho ko,” aniya.
Kahit hindi na siya ang MMDA chairman, gusto pa rin niyang ipagpatuloy ang advocacy niya na makatulong sa local film industry. Tumatakbo siya bilang isang independent candidate for senator sa May 2016 elections. Aniya, sakaling palarin siyang manalo, magpo-propose siya ng Film Development Act na naglalayong bigyan ng incentive ang local filmmakers na sumasali sa international film festivals at kung paano makokontrol ang film piracy.
Gusto rin niyang bigyan ng tax incentive ang local film producers kapag summer time dahil maraming international films ang ipinalalabas. “Kailangang magiging competitive tayo,” wika ni Tolentino.
Mula nang pamunuan niya ang Metro Manila Film Festival, every year ay tumataas ang gross earnings na ipinamamahagi sa iba’t ibang beneficiaries, isa na rito ang Mowelfund. Nagkaroon din ng New Wave section, student short film competition at first MMFF animation category.
Three terms naging mayor ng Tagaytay City si Tolentino.
Di bagay?
Noong nagtambal sina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado sa “English Only Please,” entry ng Quantum Films last year sa Metro Manila Film Festival, may mga nagsabing wala silang chemistry. Hindi raw sila bagay.
Pero bukod sa magandang box-office results ng EOP, nanalo pa ito ng awards. May festival entry na naman si Jennylyn ngayong 2015 MMFF na si Jericho Rosales naman ang kanyang leading man.
Sila ang magkapareha sa “Walang Forever” na prodyus din ng Quantum Films, directed by Dan Villegas. Again, may mga nagsasabing walang chemistry sina Jen at Jericho. Hindi naman nababahala ang dalawa at positive silang susuportahan din ang “Walang Forever.”
Anila, ganda ng istorya nito ang panlaban nila sa ibang festival entries. Anila, marami ang makaka-relate. Sa totoo lang, sa unang labas ng teaser ng WF sa social media, agad itong humamig ng million views. Ang unang bersiyon naman ng trailer nito sa social media ay naka-more than six million views and likes.
Namamayagpag
Lalong na-inspire magtrabaho ang cast ng “Destiny Rose” sa patuloy na pamamayagpag ng ratings nito sa afternoon prime ng GMA.
Sobrang thankful ang cast, lalo na si Ken Chan na gumaganap sa title role. May mga nagdududa na nga kung bumigay na siya.
“Hindi, ah! Lalaking-lalaki pa rin ako. It’s just a role na pino-portray ko. Pagsigaw ng direktor ng ‘Cut!’, cut na rin ang karakter ko bilang Destiny Rose. Ako na uli si Ken Chan,” sambit ng tsinitong Kapuso actor.