LOVE is sweeter the second time around for Jennylyn Mercado. Masaya ang puso niya ngayon, sakto lang ngayong Kapaskuhan. ’Yan ang kanyang pahayag kay Boy Abunda noong nag-guest siya sa “Tonight with Boy Abunda.” Pinayagan si Jen ng GMA7 para mag-promote ng “Walang Forever,” entry sa 2015 Metro Manila Film Festival.
Nang tanungin si Jen ni Boy kung bubuksan niya ang puso niya (Jen) ngayon, kung sino o ano ang nakaukit na pangalan, ngumiti lang si Jen at nag-beg off siyang sabihin. Hindi na nangulit si Boy. Ikaw ba ’yun, Dennis Trillo?
Nang tanungin si Jen ni Boy kung sino ang sexiest man for her, “Dennis Trillo!” ang agad na sagot ni Jen. Bakit kaya hindi niya maamin-amin na nagkabalikan sila ni Dennis? Ano’ng pumipigil kay Jen? Napag-usapan kaya nila ’yun ni Dennis na huwag (muna) nilang aaminin na nagkabalikan sila?
Ayon kay Jen, hindi siya naniniwala sa forever. Pero nang tanungin siya ni Boy kung sex or forever, forever ang sagot niya. Sa interbyu kay Jen sa presscon ng “Walang Forever,” aniya, hindi pa niya nahahanap ang kanyang “forever.”
May requirement siya sa guy na gusto niyang maging “forever.” Dapat daw ay tanggapin at mahalin din nito ang kanyang anak na si Alex Jazz (father is Patrick Garcia). Kayang gawin ’yun ni Dennis dahil may anak din ito sa pagka-binata, si Calix na ang ina’y si Carlene Aguilar.
In any case, si Jericho Rosales ang kapareha ni Jen sa “Walang Forever.” May passionate love scene sila na maayos at maganda ang execution ni direk Dan Villegas.
Last year ay tinanghal na Best Actress si Jen sa MMFF for her performance in “English Only, Please.” Aniya, ayaw niyang umasang mananalo siyang Best Actress ngayong taong ito sa MMFF. Sapat na raw na magustuhan ng moviegoers ang “Walang Forever.”
BFF
Sa January next year ang kasal nina Vic Sotto at Pauleen Luna. May wedding invitation na sila, pero secret pa ang petsa. Bridesmaid si Pia Wurtzbach na best friend ni Pauleen.
Hindi pa tiyak kung makakadalo si Pia sa kasal ng kanyang BFF dahil sa panalo niya bilang Miss Universe 2015. Kung sakaling hindi siya makarating, naiintindihan ’yun ni Pauleen. Bago pumunta si Pia sa Las Vegas, USA para sa Miss Universe competition ay nagkausap sila ni Pauleen.
Nagbiruan pa sila na baka hindi makarating si Pia sa kasal ni Pauleen dahil mananalo siyang Miss Universe. “Huwag ka nang dumating,” words to that effect na sabi pa ni Pauleen kay Pia.
Sobrang happy at proud si Pauleen sa panalo ng kanyang BFF na talagang tinutukan niya ang mga kaganapan sa Miss Universe pageant. Childhood friends sila, 12 years old pa lang si Pia at siya naman (Pauleen) ay 13 years old.
Pareho nilang pinangarap maging artista.
Samantala, suportado ni Pauleen ang “My Bebe Love (#Kilig Pa More!) ng husband to be niyang si Vic Sotto. Nagpo-promote rin siya ng festival movie na ito ng kanyang “bebe love” at “bossing.” Tampok si Ai-Ai de las Alas at ang phenomenal love team nina Alden Richards at Maine Mendoza. Bukas na ang simula ng MMFF na sabi nga ni Vic, “Good vibes lang!”
Haharapin naman niya ngayon ang nalalapit na kasal nila ni Pauleen. Lahat ng anak ni Vic ay may partisipasyon sa kanyang kasal. Sina Danica at Oyo (mga anak niya kay Dina Bonnevie), Vico (anak niya kay Coney Reyes) at Paulina (anak niya kay Angela Luz). Invited kaya ang mga nanay ng mga anak niya? Just asking!
Friends
Magkasama ang estranged couple na sina William Martinez at Yayo Aguila sa “Honor Thy Father,” entry sa 2015 Metro Manila Film Festival na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz. Pero hindi sila ang magkapareha dahil si Lander Vera-Perez ang gumaganap na asawa ni Yayo.
“Okey naman kami. Friends kami. Masaya kami,” ani Yayo referring to William. Magkasama pa sila sa isang hotel sa Baguio noong nag-shoot sila ng ilang eksena para sa HTF. Pero magkahiwalay sila ng kuwarto ni William, ani Yayo.
Matagal na silang hiwalay at mukhang malabo silang magkabalikan. They’re better off as friends. Tanggap at naiintindihan ng mga anak nila ang sitwasyon.
Anyway, sobrang proud at excited si Yayo katrabaho si John Lloyd sa HTF. “Akala ko, maiintimidate ako sa kanya.
Seryoso siya sa trabaho. Pero magaan siyang katrabaho. Nakikipagbiruan siya kapag break time. Kapag oras ng trabaho, nakakahiya kapag hindi ko naibigay ang best ko. Focused siya talaga sa karakter na ginagampanan niya,” saad ni Yayo.
Pinaiyak
Kasama rin sa “Honor Thy Father” ang actor-politician na si Dan Fernandez. First time silang nagkatrabaho ni John Lloyd Cruz at aniya, pinaiyak siya ng Kapamilya actor.
“Siya lang ang nakapagpaiyak sa akin,” ani Dan. “Pinaiyak niya ako sa ending ng pelikula. Isa siya sa pinakamagaling na artista ngayon at isang big honor for me na nakatrabaho ko ang isang John Lloyd Cruz.”
Tampok din sa HTF sina Meryl Soriano, Khalil Ramos, Krystal Brimmer, atbp. Sa direksiyon ni Erik Matti.