IBANG klase talaga kung sumuporta ang AlDub Nation. All the way at hindi lang sa social media, pati sa unang pelikula nina Alden Richards at Maine Mendoza, ang “My Bebe Love (# Kilig Pa More!).”
Humataw ito sa takilya noong opening day nabalitang naka-P60.5 million.
Nabahiran pa ng kontrobersiya dahil sa diumano’y nagkaroon ng ticket swapping sa SM cinemas. Diumano’y may mga nagreklamong AlDub fans na ang ibinigay na ticket sa kanila’y para sa “Beauty and the Bestie.” Itinanggi naman ’yun ng Metro Manila Film Festival organizers.
Whatever! Sana’y magtuluy-tuloy ang paghataw sa takilya ng “My Bebe Love (#Kilig Pa More).” Siyempre, dapat ding bigyan ng credit ang AiSing (Ai-Ai-Bossing) tandem nina Ai-Ai de las Alas at Vic Sotto na may malaking kontribusyon din sa box-office results ng “My Bebe Love (#Kilig Pa More).”
Balitang magkakaroon ito ng international screening na inaabangan ng AlDub fans abroad.
By the way, birthday ni Alden on Jan. 2. Sa Japan nag-Pasko si Maine kasama ang kanyang pamilya. Nag-promise raw si Maine kay Alden na uuwi siya para magkasama sila sa birthday ng Pambansang Bae. For sure, may birthday gift/ pasalubong from Japan si Maine para kay Alden.
Lucky girl
Suwerte talaga si Maine Mendoza. First movie niya ang “My Bebe Love (# Kilig Pa More!), humataw agad ito sa takilya.
At festival entry pa. First time rin niyang naka-join sa Metro Manila Film Festival Parade of Stars.
In more than five months pa lang niya sa showbiz, sumikat na siya. Kinabog niya ang ibang newbies. Nagkaroon ng maraming product endorsements. Naging in demand sa mga magazine cover. Tinanggap ang tandem nila ni Alden Richards.
Na-feature sila sa “Reader’s Digest.” Ang daming blessings na dumating sa kanya ngayong 2015 at sana lang, magpatuloy ito sa 2016 at sa mga susunod pang taon.
Gano’n din ang wish namin para kay Alden. Sana’y magpatuloy ang blessings sa kanya ngayong 2016. At sana’y huwag siyang magbabago at manatili siyang mapagkumbaba.
Wish din naming magkaroon si Alden ng teleserye ngayong 2016. Huli siyang napanood sa “Carmela” with Marian Rivera at sa mini-series na “Ilustrado.”
Extended
Isang anak ng kakilala namin ang avid fan ni Ken Chan. Gusto nitong manood ng taping ng “Destiny Rose” at kahit daw saan ay pupuntahan nito, makita lang sa personal ang kanyang idol.
Nagsimula ang paghanga nito kay Ken noong napanood nito ang “Destiny Rose.” Mula umpisa ng naturang GMA afternoon series hanggang ngayon, parati itong nakatutok. Aliw na aliw ito kay Ken at gandang-ganda bilang Destiny Rose.
Balita namin, extended ang DR dahil sa magandang feedback at ratings nito. Kaya naman sobrang happy si Ken at ang buong cast at thankful sila sa suporta ng Kapuso viewers. Lalo islang na-inspire pagbutihin ang kanilang trabaho.
Together again?
Glad to hear kung totoong together again sina Rocco Nacino at Lovi Poe. Masaya ang Pasko at Bagong Taon para sa kanila ngayong nagkaayos na sila. Ang kainaman kina Rocco at Lovi, noong nabalitang nag-break sila, kapuwa sila nanahimik. Hindi sila nagpalitan ng mga salita ng makakasakit sa isa’t isa.
Hindi nila hinayaang makialam kung meron mang sulsulero’t sulsulera sa pinagdaanan nila sa kanilang relasyon.
May mga nasulat na diumano’y hindi boto kay Rocco ang mommy ni Lovi. Na kesyo, diumano’y may ugali ang binata na ayaw ng mommy ng aktres. Na kesyo, diumano pa rin, user si Rocco.
Nasulat ding diumano’y pinakialaman ni Rocco ang joint savings account nila ni Lovi. Mariing itinanggi ’yun ng binata. Ipinagtanggol din siya ng ilang kaibigan niya. Anila, hindi ganoong klase ng tao si Rocco.
Now, all’s well between Rocco and Lovi.