A-DISQUALIFY ang “Honor Thy Father” para sa Best Picture category sa nakaraang Metro Manila Film Festival Awards Night. Pero ang direktor nitong si Erik Matti ang nanalong Best Director.
No show si direk Erik noong Awards Night. Nag-post siya sa kanyang social media account ng ganito: “Di ako madadala sa plastic na trophy. Balik na tayo sa totoong issue.”
Tuloy pa rin kaya ang banta niyang pasisingawin niya ang mga “baho” ng mga committee member ng MMFF? Prior sa Awards Night, masamang-masama ang loob nina direk Erik at ng producer na si Dondon Monteverde sa pagka-disqualify ng HTF sa Best Picture category.
Gusto nilang paimbestigahan ang totoong dahilan ng pagka-disqualify ng pelikula. Sumunod naman daw sila sa requirements ng MMFF, kaya nagtataka sila kung bakit a day before ng Awards Night ay nakatanggap sila ng letter of disqualification.
Nagtataka rin sila kung bakit sa Best Picture category lang na-disqualify ang HTF. Bakit daw hindi sa lahat ng categories? Oo nga naman!
Tahimik lang ang bida ng HTF na si John Lloyd Cruz. Wala pa siyang pahayag hinggil sa kontrobersiya. Ang girlfriend niyang si Angelica Panganiban ang nag-react sa kanyang social media account. Nasaan daw ang hustisya? Hindi lang si Angelica ang naghahanap ng hustisya para sa HTF. Marami sa mga taga-showbiz industry ang sumisigaw ng katarungan para sa HTF na anila’y matinong pelikula.
Di makapaniwala
Sobrang blessed talaga si Maine Mendoza dahil nanalo siyang Best Supporting Actress para sa first movie niya, “My Bebe Love (#Kilig Pa More!)” sa nakaraang Metro Manila Film Festival Awards Night. Hindi nga siya makapaniwala at nagtanong pa siya kung bakit siya raw ang nanalo?
Hindi personal natanggap ni Maine ang kanyang Best Supporting Actress trophy dahil nasa Japan siya at doon nagpalipas ng Pasko kasama ang kanyang pamilya. Hopefully, on or before New Year ay nakabalik na sila sa Pilipinas.
Expected na ni Maine na maba-bash siya sa panalo niya bilang Best Supporting Actress. Kebs ba niya? Knows niyang she cannot please everybody. Hindi naman kasalanan ni Maine kung siya ang choice ng MMFF judges dahil sa pamantayan ng mga ito ay siya ang may karapatang manalo.
Deserved
Wala namang violent reaction sa panalo ni Jennylyn Mercado bilang Best Actress para sa performance niya sa “#Walang Forever.” Prior sa MMFF Awards Night, marami sa mga nakapanood ng special screening ng WF ang nagsabing malakas ang laban ni Jen for Best Actress.
Last year ay si Jen ang nanalong Best Actress para sa “English Only, Please” sa MMFF. Nakadalawang Best Actress Award na siya sa MMFF.
Deserved din ni Jericho Rosales ang Best Actor Award na kapareha ni Jennylyn Mercado sa “#Walang Forever.” Hindi pa rin kumukupas ang husay niya sa pag-arte. Second choice lang si Jericho at si JM de Guzman ang original leading man ni Jen sa WF.
Kung hindi kaya napalitan si JM, siya rin kaya ang nagwagi bilang Best Actor? Just asking! Sabagay, magaling din naman siyang aktor.
As of presstime, pang-anim ang WF sa walong festival entries. Baka magbago ang ranking ng mga ito matapos ang Awards Night. Ganyan ang nangyari last year sa “English Only, Please” pero matapos manalong Best Actress si Jennylyn, marami ang nagkainteres na panoorin ito.
Wala pang opisyal na pahayag ang MMFF tungkol sa ranking ng walong festival entries. As of this writing, nangunguna pa rin ang “My Bebe Love (#Kilig Pa More!),” “Beauty and the Bestie,” “Haunted Mansion,” “All You Need is Pag-ibig,” “Buy Now, Die Later,” “Walang Forever,” “Honor Thy Father,” “Nilalang.”
Di umasa
Hindi naman talaga umasa si John Lloyd Cruz na mananalo siyang Best Actor sa nakaraang MMFF. Kahit pa marami sa mga nakapanood ng special screening nito ang nagsabing malakas ang laban niya. Mas interesado si JLC sa magiging pagtanggap ng moviegoers sa HTF. Aniya, ’yun ang klase ng pelikulang gusto niyang pam-festival. Dream project niya ang HTF.
Nakakalungkot lang dahil bukod sa na-disqualify ito sa Best Picture category, matamlay ang pagtanggap ng moviegoers.
Kabaliktaran ng “Second Chance” ni JLC with Bea Alonzo na certified box-office hit. Mas tanggap si JLC sa mga drama-romance movie.