Kung papayag ang pamunuan ng GMA Network Center, handa raw si Nora Aunor ipagpatuloy ang radio program ng yumaong Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno, ang “Walang Siesta” sa DZBB. Handa rin siyang ipagpatuloy ang late night show nito, “Walang Tulugan with the Master Showman” sa GMA7.
’Yan ang pahayag ni La Aunor bago tuluyang ilibing si Kuya Germs sa Loyola Memorial Park, Marikina City. Anang superstar, handa siyang gawin ang ginagawang pagtulong ni Kuya Germs noong nabubuhay pa ito sa mga nangangarap maging artista.
Humingi pa ng kapatawaran si La Aunor kay Kuya Germs sa lahat ng kanyang pagkakamali. “Minsan, hindi ko po kayo sinusunod. Matigas ang ulo ko. Siguro naman ngayong wala na kayo, lalambot na rin,” sambit ng superstar.
Aniya pa, mas mahal niya si Kuya Germs kaysa sa kanyang pamilya. “Kapag may problema ako, isa si Kuya Germs sa mga natatakbuhan ko,” ani Guy.
Ayon pa sa superstar, nasa taping siya ng “Little Nanay” nang kinabahan siya nang malakas. Pag uwi niya ng bahay, hindi siya makatulog. Unaware siyang dinala na pala sa ospital si Kuya Germs. Naghihirap na pala ito. Natulala raw siya nang may tumawag sa kanya para sabihing wala na si Kuya Germs.
Ayaw niyang magpainterbyu sa radyo at telebisyon dahil hindi pa raw siya naniniwalang patay na si Kuya Germs.
Ang mga kaganapan sa libing ni Kuya Germs ay isinahimpapawid sa mga programang DZBB at panaka-naka sa live coverage ng GMA News TV.
Hindi pa kasal
Walang kasalan, kundi celebration of union lang ang naganap sa kanila ng fiance niyang si Nico Bolzico, paglilinaw ni Solenn Heussaff sa presscon ng “Lakbay2Love.” Inakala kasi ng marami na ikinasal na sila sa Argentina noong Dec. 30, 2015 dahil sa posts ng mga kaibigan ni Solenn na sina Isabel Daza at Georgina Wilson.
Ayon kay Solenn, nagkataon lang na nagpunta rin sa Argentina sina Isabel at Georgina, pati si Anne Curtis na girlfriend ng kapatid niyang si Erwan Heussaff. ’Andun din kasi ang parents ni Solenn.
Ani Solenn, wala siyang wedding dress, walang walking down the aisle, walang engagement ring. Nag-promise siya na kapag totoong ikakasal na sila ni Nico, ipapaalam niya sa lahat at ang GMA7 ang magko-cover. Sa France sila magpapakasal. Kung kailan? Hindi sinabi ni Solenn.
Dream come true
Wala pa ring inamin si Dennis Trillo sa totoong estado ng relasyon nila ni Jennylyn Mercado. Wala pa ring “napiga” sa kanya ang entertainment writers nang tanungin siya tungkol sa kanila ni Jen sa presscon ng “Lakbay2Love.” Basta anang Kapuso actor, masaya sila kung anumang meron sila ngayon ni Jen.
Anyway, second time niyang katrabaho si Solenn Heussaff sa “Lakbay2Love.” Una silang nagkasama sa “Yesterday, Today, Tomorrow.” Aniya, ang laki ng improvement ni Solenn sa akting, pati sa pagsasalita ng Tagalog.
Enjoy siya at komportable siyang katrabaho si Solenn dahil walang kaarte-arte sa katawan, down to earth at very professional. “I’m happy na nagkatrabaho kami uli,” Dennis said.
Isang forester/biker ang role ni Dennis sa L2L at aniya, dream come true sa kanyang magkaroon ng biking film. Nine years old pa lang siya’y marunong na siyang magbisikleta. “Mahilig talaga ako mag-bike noong bata pa ako. Hanggang ngayon, kapag may libre akong oras, nagbibisikleta pa rin ako,” lahad ni Dennis.
Right guy
Ayon sa producer-director ng “Lakbay2Love” na si Ellen Ongkeko-Marfil, may mga ibang actor silang pinagpilian para sa napuntang role kay Dennis. Pero busy ang mga ito. Naisip niya si Dennis, pero busy rin ito sa shoot ng “Felix Manalo.”
Sabi raw ng manager nitong si Popoy Caritativo, rest day lang ni Dennis ang pagbibisikleta. “Sinabi ko, kung pwede, ibigay nalang sa amin ang rest day ni Dennis. Pumayag si Popoy at inayos ang schedule ni Dennis,” kuwento ng producer.
Aniya pa, right guy si Dennis for the role. Bukod sa mahilig itong magbisikleta, concerned din ito sa environment, kaya nakaka-relate ito sa tema ng L2L.
Kasama rin sa cast ang “Pinoy Big Brother” discovery na si Kit Thompson.
Seven months silang nag-shoot na ang locations ay sa La Mesa Dam Eco Park, QC, Timberland Heights sa San Mateo, Rizal at Benguet province. Produced by Erasto Films, magkakaroon ng green carpet premiere night ang L2L on Jan. 29, 2016 sa Quezon Hall Amphitheater, UP Diliman, QC at 5 p.m. Regular showing on Feb. 3 sa mga sinehan nationwide.
Magkakaroon ng musical performances sina Dennis at Solenn sa gaganaping green premiere night ng L2L. Guests ang GIG Manila at UP Music Circle and many more. Ang mga manonood ay may chance manalo ng mga bisikletang ginamit nina Dennis at Solenn sa movie. Magdala rin ng sariling bike para sa extra raffle entry.