HALATANG kabado ang Kapuso hunk na si Aljur Abrenica sa muli niyang pagharap sa media para sa pagbibidahan nilang teleserye ni Janine Gutierrez na “Once Again.”
Huling naging leading man si Aljur sa teleseryeng “Kambal Sirena” with Louise de los Reyes in 2014.
Mahigit na isang taon ding hindi pinagbida si Aljur sa anumang teleserye ng Kapuso network dahil nagkaroon ng matinding lamat sa pagitan niya at ng big bosses ng GMA-7.
Pero mukhang all is forgiven na at pinagkatiwalaan ulit si Aljur na magbida sa isang primetime teleserye.
Inamin ni Aljur na marami siyang natutunan sa mga pinagdaanan niyang problema at ngayon ay alam na niya ang ibig sabihin ng pagpapakumbaba.
“Thankful ako dahil muli tayong nabigyan ng isa pang pagkakataon. Na-miss ko ang ganitong klase ng trabaho. Akala ko hindi na ako makakaranas ulit ng ganitong klaseng show.
“Unti-unti naman ay naaayos na namin ang lahat. Sana ay maging mas maganda pa ang pagsasama namin ng GMA-7. Tutal dito naman po ako nagsimula,” ngiti pa ni Aljur.
Ang “Once Again” ang ikalawang pagsasama nila ni Janine sa TV. Una silang nagkasama sa pang-umagang serye na “Dangwa.”
Mas marami nga raw nadiskubre si Aljur tungkol kay Janine dahil mas marami silang mga eksenang magkasama.
Mas lalo nga raw napapansin ni Aljur na lalong gumaganda si Janine.
“The more na nakakasama ko siya, mas lalo mong naa-appreciate ang beauty niya. Si Janine kasi, hindi lang siya maganda sa labas, kundi pati kalooban niya ay maganda.
“Magaan din siyang katrabaho at napansin kong very serious siya. Kaya mahusay siyang umarte kasi focused siya,” diin ni Aljur.
Sina Aljur at Janine ay kapwang may pinagbibidahang pelikula sa Sinag Maynila 2016.
Nasa indie film ni Ato Bautista na “Expressway” si Aljur, samantalang nasa “Lila” naman ni Gino Santos si Janine.
Bida rin si Aljur sa historical film na “Hermano Puli” ng T-rex Productions, sa direksyon ni Gil Portes.
(RUEL J. MENDOZA)