NAGBABALIK sa GMA-7 ang dating child actress na si Isabelle de Leon.
Isabelle de Leon na ang gamit na pangalan ng dating anak-anakan ni Vic Sotto sa 2001 sitcom na “Daddy Di Do Du”.
Sa pagbabalik niya sa Kapuso Network, kasama si Isabelle sa cast ng teleseryeng “Magkaibang Mundo” kung saan bida sina Louise delos Reyes at Juancho Triviño.
Gagampanan ng 21-year-old former child star ang papel na Sofie Sandoval na kontrabida ni Louise sa teleserye.
“Ang bawat character kasi, hindi siya pare-pareho. Iba-iba ang kaluluwa ng bawat character. ‘Yung ina-apply ko noong bata ako is mag-research, kung paano ka bubuo ng bagong tao,” she began.
“Nag-research ako ng iba’t ibang villains. Iba-iba pa pala mga kulay niyan, akala lang natin basta masama ‘yun na ‘yun.
“Kinikilala ko pa siya, na ma-ging totoong tao siya at hindi basta character lang.
“‘Yun lang ang ina-apply ko sa bawat character na binibigay sa akin simula nung bata pa ako. Immersion at research sa iba’t ibang klaseng tao,” sey pa ni Isabelle.
Kahit na lumabas na si Isabelle sa mga teleserye na “Maria Mercedes” (ABS-CBN 2) at “Trenderas” (TV5), akala pa rin ng marami na bata pa rin siya.
Kaya aminado siyang medyo nahirapan siya sa pag-transition from child actor to adult actress.
“Noong dumating ’yung tinatawag nila na awkward stage ng isang child actor, nag-iba po ako ng career. I transitioned to music.
“Pinag-aralan ko ang kumanta at magsulat ng music. Alam ko kasi na sa age kong iyon, mahihirapan akong mabigyan ng roles. So I chose music which really helped me a lot.
“And also, nung umaarte na ako, puro sa rom-coms ako nilagay.
“Okey naman siya, mas complex lang ‘yung emotional na aspeto kapag dalaga na ‘yung character.
“Kasi kapag bata ka iyak-tawa ka lang. Ngayon mayroon nang pagseselos, inggit, insecurity,” ngiti pa niya.
Naaala rin si Isabelle sa mga ginawa niyang mga pelikula tulad ng “Ano Bang Meron Ka?,” “Super B,” “Bahay ni Lola,” “Sanib,” “Santa-Santita” at “Magnifico” kung saan nanalo siya bilang FAMAS Best Child Actress in 2004.
(RUEL J. MENDOZA)