PAGKATAPOS ng kanyang unang exposure at guesting bilang bagong Kapamilya sa FPJ’s “Ang Probinsyano,” magbibida na si Ritz Azul sa upcoming ABS-CBN teleseryeng “The Promise of Forever” sa ilalim ng produksyon ng Dreamscape Entertainment Television at sa direksyon nina Darnel Joy Villaflor at Hannah Espia.
“After po ng contract signing with ABS-CBN, sinabi sa akin na ige-guest ako sa ‘Ang Probinsyano.’ And after ‘Probinsyano,’ sinabi na po agad sa akin itong ‘The Promise of Forever’ na gagawin namin. So, siyempre feeling blessed ako, sobrang blessed kasi kakapasok ko pa lang sa Kapamilya (network) nakasama na agad ako sa isang teleserye.
“Noong sinabi naman sa akin ’yung istorya, ang ganda, bago, at saka isa itong oportunidad sa akin na maipakita ko naman sa ABS na karapat-dapat naman akong ma-ging Kapamilya. So, isang challenge ito para sa akin,” sabi ni Ritz.
Makakasama ni Ritz bilang leading men niya sa serye sina Paulo Avelino at Ejay Falcon na parehong first time niyang makakatrabaho. Natutuwa nga si Ritz dahil sunud-sunod na natutupad ang pinanga-rap niyang mga aktor na gusto niyang makatrabaho.
“Oo nga e. Una sinabi kong gusto kong makatrabaho si Coco Martin, so sinalang po agad ako sa ‘Ang Probinsyano.’ Dito naman, sinabi ko si Paulo Avelino naman ang gusto kong makatrabaho. And nandito na siya ngayon. Tapos kasama pa si Ejay. So, iyon kinikilig ako, masayang-masaya ako. Thank you, Dreamscape.”
Kabilang din sa cast ng “The Promise of Forever” sina Benjie Paras, Nico Antonio, Cherry Pie Picache, Angel Aquino at Amy Austria.
Usong-uso sa mga ABS-CBN teleserye na nagsu-shoot sa ibang bansa, gaya na lang ng “Dolce Amore” na may mga eksena sa Italy at ng “The Story of Us” na may mga eksena sa Amerika. Ito namang “The Promise of Forever” ay may mga eksenang kukunan sa Europe lalo na nga’t magkakaroon ng Mediterranean cruise ang mga karakter sa serye. (GLEN SIBONGA)