Made-delay daw ang plano ng pagpapakasal ngayong 2016 ng Kapamilya actress na si Denise Laurel sa kanyang basketball player fiancé na si Solomon “Sol” Mercado.
Paliwanag ni Denise, “Ang hirap kasi if you have to invite one, you have to invite all, siyempre. So, kailangan muna ipon-ipon. At saka iniisip ko din hindi lang kasi ’yung kasal, kundi ’yung buhay pagkatapos ng kasal. Kailangang pag-ipunan, ganyan, siya rin nag-iipon. At saka ’yung pamilya niya nasa States, so kailangan lahat sila lilipad papunta rito, or lahat kami ’yung lilipad doon.”
Ayaw ba nilang subukan ang ginagawa ng iba na livestream wedding para sa mga may kapamilya at kamag-anak na nasa abroad? “Ay, ayaw, ayoko. No offense to those who do that, but for me ’yung presence, ’yung sincerity, and everybody being present means a lot to me.”
Nahihirapan daw silang mag-set ng date ng kasal dahil sa schedule niya bilang artista, gayundin sa schedule ni Sol bilang PBA player. “Ang hirap kasi ng schedule ko, at saka schedule ng PBA medyo magulo. Hindi pala nakukuha ’yung schedule ng buong taon, per conference lang pala.”
Kung hindi ngayong 2016 kailan na nila balak magpakasal? “Siguro early next year, maybe. Ang hirap e, kasi ’yung PBA tapos may Gilas pa, so nadi-disrupt ’yung schedule. Siyempre we want all our friends to be there. E, our friends are part of Gilas also, so mahirap.”
Samantala, habang wala pang definite date ang kasal ay nagpapaka-busy muna si Denise sa kanyang career.
Ipinagmamalaki nga niya ang bagong pelikulang kanyang kinabibilangan, ang “Magtanggol” sa ilalim ng Felix and Bert Film Productions. Marami raw nadiskubre si Denise sa pagganap niya bilang si Atty. Susan Del Rosario, isang abugadong nagtatrabaho sa organisasyong Migrante at tumutulong sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagiging biktima ng pananamantala at pang-aabuso sa abroad.
Kasama niya sa pelikula sina Tom Rodriguez, Ejay Falcon, Joonee Gamboa, Dina Bonnevie, Albie Casino, at Yam Concepcion. Sa direksyon ni Sigfreid Barros Sanchez, ang “Magtanggol” ay palabas sa June 8. (GLEN SIBONGA)