PORMAL nang naghain ng kanyang demanda ang dating sexy actress na si Ana Capri laban sa lalakeng nang-harass at nanakit sa kanya noong nakaraang buwan sa The Palace Pool Club na matatagpuan sa Taguig City.
Sa Taguig Prosecutor’s Office nag-file ng demanda si Ana kasama ang kanyang abogado.
Pinost pa ito ng award-winning actress sa kanyang social media account:
“Panunumpa po w my #lawyer #attorneyjurado LABAN sa: Sana po maibigay na po name ni John Doe Act of Lasciviousness, Physical Injuries and Slander by Deeds against John Doe (Chinese Looking Man) and Violation of PD 1829 (obstruction of apprehension and obstruction of justice) against the officer of The Palace Pool Club #thepalacepoolclub”
Isinama rin ni Ana sa kanyang demanda ang management ng The Palace Pool Club dahil sa pagtago at pagprotekta ng pangalan ng lalakeng nambastos at nanakit sa kanya.
Pero mula sa isang pinagawang imbestigasyon ni Ana, nalaman na niya ang pangalan ng lalakeng ito. Ilalabas daw niya ang name nito sa media sa tamang panahon.
Nagpapasalamat si Ana sa ilang NGO groups, lalo na ang Gabriela, dahil hindi nagdalawang-isip na tulungan siya nito noong lumapit ang aktres sa kanilang grupo.
Hangad lang ni Ana ay mabigyan siya ng hustisya dahil hindi siya makakapayag na bastusin lang siya ng kung sinong lalake.
Ang laban na ito ni Ana ay para rin sa ibang kababaihang natakot magsalita at magsumbong sa ginagawang pambabastos sa kanila ng mga kalalakihan.
“Pakiramdam ko, hindi lang ako ang naging biktima ng lalakeng iyon.
“Malakas ang loob niyang gawin sa akin ang pambabastos at pananakit. Ibig sabihin ay nagagawa na niya ito sa ibang kababaihan.
“Hindi ako makakapayag na ganunin lang ako at ang ibang babae.
“Disappointed ako sa management ng The Palace Pool Club dahil sa pagtanggol nila sa lalakeng iyon. Ako ang agrabiyado rito kaya pasensyahan na lang at kasama sila sa inihain kong demanda,” pagtapos pa ni Ana Capri.
(RUEL J. MENDOZA)