MAY apela si Imelda Papin kay incoming president Rodrigo Duterte. Sana raw pagtuunan nito ng pansin ang kaso ng pagkatalo niya bilang congresswoman sa 4th district ng Camarines Sur. Anang Asia’s Sentimental Songstress, 101% siyang dinaya ng kalaban niya mula sa pamilya ng mga Fuentebella.
Nag-file na si Ms. Papin ng election protest sa House of Representative Electoral Tribunal. Gusto niya at ng kanyang kampo na magkaroon ng manual counting ng mga balota. “Ipinaglalaban ko ito para sa katotohanan. Maraming nangyari noong bilangan na hindi kapani-paniwala,” ani Ms. Papin sa ipinatawag niyang presscon.
Aniya, lamang siya ng 2,000 votes sa kanyang kalaban. Pero ipinahinto ang bilangan and after three days, ibinalik ang bilangan. Hinahanap nila ’yung nawawalang boto para sa kanya (Imelda). Kaya gusto nilang pabuksan ang ballot boxes at mag-manual counting sa 229 precincts na alam nilang nagkadayaan sa bilangan ng mga boto. Ayon kay Ms. Papin, may 438 precincts sa 10 municipalities ng Camarines Sur.
“Kung talagang talo ako, magko-concede ako. Eh, alam kong nanalo ako, kaya ipinaglalaban ko ito. Gusto kong lumabas ang katotohanan. Matagal na sa pulitika ’yung pamilya ng kalaban ko. Enough is enough. Ako ang boses ng mga kababayan ko,” pahayag ni Ms. Papin na dating vice governor ng Camarines Sur (1998-2004).
“Wala akong record ng corruption. Binigyan ako ng award bilang Best Vice Governor. Role model ako ng mga kababayan ko. Sila ang humiling na tumakbo ako bilang congresswoman para labanan si Fuentebella,” ani Ms. Papin.
Aniya pa, two weeks bago ang May 9 elections ay may nag-offer sa kanya ng malaking halaga para mag-back out sa kanyang kandidatura. “Hindi nabibili ang isang Imelda Papin. Hindi ako natatakot sakaling may death threat ako.
’Andiyan ang Panginoon, ang pamilya ko, ang supporters ko, mga kaibigan, ang media at tiwala ng lawyers ko na maipapanalo ang aking kaso,” pahayag ni Ms. Papin.
Ipinaglalaban pa rin
Napanood kaya ni John Lloyd Cruz ang mga pahayag ni Angelica Panganiban sa “Gandang Gabi Vice”? Kung hindi man, for sure, may nakapagsabi sa kanya. Hindi pa rin totally nakaka-move on si Angelica sa kanilang break-up, lalo na kapag nakikita niya ang billboards at TV commercials ni JLC. May nararamdaman pa rin siyang kirot sa kanyang puso, iniiyakan pa rin niya ang hiwalayan nila ni JLC.
Ipinaglalaban pa rin niya na para na nga raw siyang tanga. Naaawa na siya sa sarili niya. Hopia (hoping) siyang text o tawag mula kay JLC.
Awa at paghanga kay Angelica ang naramdaman namin. How could you, John Lloyd na saktan ang babaeng wagas kang minahal for four years. Kita sa mga mata ni Angelica ang lungkot, kahit pinipilit niyang magpakatatag. Brave lady!
Tumatagos ang mga hugot line niya gaya ng gusto niyang pumunta sa Boracay para magpainit dahil matagal nang nanlalamig ang puso niya.
Ayon pa kay Angelica, naging masaya siya sa four years nila together ni JLC. Minsan lang siya pinaiyak samantalang six years naman siyang pinaiyak ng isa pa niyang ex-boyfriend na si Derek Ramsay. Any comment Derek? Walang sinabi si Angelica sa isa pa niyang ex-BF na si Carlo Aquino, her first boyfriend.
Ayon kay Angelica, lesson learned sa pakikipagrelasyon niya kay JLC, huwag sikat. Joke nga niya, naghahanap siya ng lalaking tulala, laos na at wala nang direksiyon sa buhay. Any applicant?
Best Actress
Congratulations kay Jaclyn Jose sa panalo niya bilang Best Actress sa katatapos na Cannes Film Festival 2016 for her performance in “Ma’ Rosa.” Siya ang kauna-unahang Filipina actress na nanalong Best Actress mula sa naturang prestigious award-giving body.
Ka-level ng Kapuso actress sina Meryl Streep, Julian Moore at iba pang international actresses na nanalo sa Cannes Film Festival. Ani Jaclyn, hindi niya ini-expect na mananalo. Sinamahan lang niya ang anak niyang si Andi Eigenmann na kasama rin sa “Ma’ Rosa.” Sobrang proud si Andi sa panalo ng kanyang mommy Jaclyn.
Si Brilliante Mendoza ang director ng “Ma’ Rosa” na dumalo rin sa CFF.
Nakakabilib talaga
Bilib kami talaga kay Jessica Soho sa interbyu niya kay incoming president Rodrigo Duterte na ipinalabas sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.” Naitanong niya ’yung mga gusting itanong ng madlang pipol kay Duterte.
Lalo kaming bumilib kay Jessica nang napakanta niya ang incoming president. Naki-jamming pa siya kay Duterte. Ikaw na talaga, Jessica! Clap! Clap! Clap! Truly, GMA Network’s pride!