Nilooban ng hinihinalang miyembro ng “Akyat Bahay Gang” ang bahay ng isang negosyante na malapit sa Camp Crame, headquarters ng Philippine National Police, sa Quezon City noong Linggo ng hapon.
Tinatayang nasa mahigit P3 million halaga ng ari-arian ang natangay sa mga biktimang sina Daniey Sy, 67, businessman, at kanyang asawang si Consosia, 67, ng North Road corner 1st Ave., Barangay Bagong Lipunan.
Ayon sa Quezon City Police District Station 7, wala ang mga biktima sa bahay ng pumasok bandang 3 p.m. ang suspek na base sa closed circuit television camera ng bahay ay nakasuot ng itim na hooded jacket at pants.
Sinabi ni Supt. Rolando Balasabas, QCPD Station 7 commander, inakyat ng suspek ang steel gate at sinira ang door knob ng pinto sa harap upang makapasok ng bahay.
Umakyat sa master’s bedroom ang suspek at sinira ang vault kung saan nakalagay ang mga tinangay na ari-arian. Dumating ang anak ng mga biktima ilang oras makaraan ang insidente at nalamang nilooban sila. Hawak na ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit ang kaso.