Tinuligsa ni American trainer Teddy Atlas ang kababayang fellow trainer na si Freddie Roach dahil sa pag-puna nito sa istilo ng well-known ESPN analyst.
Kamakailan ay minaliit ni Roach ang kakayahan ni Atlas, kilala sa paggamit ng ilang mga kwento sa kaniyang boxers sa kalagitnaan ng laban bilang paraan ng pagbibigay inspirasyon sa mga ito.
“He’s got an animated personality and people love that. But I’m not a cheerleader like him. I don’t tell my fighters stories outside of boxing,” ani Roach sa isang telephone call ng Tempo Sports.
Ayon kay Atlas, kailangan ng mga boksingero ng pagkukunan ng motibasyon at naniniwala siya na ang kaniyang istilo ay isang epektibong paraan para makamit ito.
“But I would prefer calling it doing your job when you need to. There’s nothing wrong to motivate if you have done the job before that,” ani Atlas “If you haven’t done the job before that, then you wouldn’t be in a position to cheerlead. So you have to do that part before that.”
Tinuran pa ni Atlas na isa ito sa posibleng naging pagkukulang ni Roach kung kaya’t nakalasap ng talo ang star pupil nito na si Manny Pacquiao kay undefeated American pound-for-pound king Floyd Mayweather, Jr. noong May 2015 sa Las Vegas.
“Maybe if he was a cheerleader in Manny Pacquiao’s last fight, maybe that would have been ok. Maybe it’s called being a motivator. I would prefer to call it that,” dagdag ni Atlas.
Si Atlas ay abala sa pagmando sa training camp ni defending world welterweight champion Timothy Bradley na magdedepensa ng kaniyang titulo kontra Pacquiao.
Ayon kay Atlas, marami silang napulot na magandang istilo sa unang dalawang laban ni Bradley kay Pacquiao.
June 2012 nang magtala ng controversial split decision win si Bradley kay Pacquiao ngunit nakabawi ang Filipino icon via clear-cut decision noong April 2014.
“Now, we’re going to take the knowledge of those fights, the good and the bad, and we’re going to make it all good,” ani Atlas.
Itataya ni Bradley ang kaniyang WBO welterweight crown kontra Pacquiao sa April 9 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada. (Dennis Principe)