Nakaligtas ang 14 taong gulang na anak na lalake ng isang dating pulis samantalang nasugatan ang kanyang driver sa isang ambush sa Mandaluyong City kahapon ng umaga.
Ayon sa Mandaluyong police, sakay ang bata ng isang Mitsubishi Montero Sports Utility Vehicle na minamaneho ni Lordevino Lumen, 55, nang biglang magpaputok ng baril ang dalawang lalake nang huminto sila sa kanto ng M. Vicente St. and Boni Ave.
Nagtamo ng tama ng bala sa katawan si Lumen samantalang nakaligtas ang bata nang magtago ito sa pagitan ng mga upuan. Napagalamang papasok ang bata sa kanyang paaralan sa Taguig City nang mangyari ang insidente.
Sinabi ng mga saksi na lumapit at sinilip ng mga suspek ang sasakyan. Pinaandar ni Lumen upang tumakas pero bumangga sila sa isang alulod sa Dansalan St. Naglakad papalayo ang mga suspek patungong Boni Ave.
Nakalabas pa si Lumen upang tingnan ang kalagayan ng bata na nakalabas pagkatapos ng pamamaril. Nakita si Lumen, na dating barangay tanod ng Barangay Malamig, Mandaluyong, ng isang tricycle driver at dinala siya sa isang pagamutan.
Ang bata ay kamaganak ng chairman ng Barangay Malamig at isang opisyal ng Philippine National Police. Ang kanyang ama ay isang dating pulis na ngayon ay empleyado ng United Nations. Masusi ng iniimbestigahan ng mga pulis ang insidente.