Natagpuan ang isang bangkay na pinaghihinalaang biktima ng “summary execution” Biyernes sa Quezon City.
Ayon sa ulat na nakarating sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) headquarters sa Camp Caringal, ang hindi nakikilalang lalaki ay tinatayang nasa edad 40 hanggang 45-anyos at nakasuot ng orange striped t-shirt at itim na pantalon.
Nakitaan din ng butterfly tattoo ang biktima sa kaniyang kanang dibdib, imahe ng isang lalake sa kaliwang balikat at mga markings na “Lorogino Mardizon” at “Bos Doglas”.
Ayon naman kay Police Senior Inspector Elmer Monsalve, hepen ng Homicide Section ng CIDU, idinetalye ng witness na si Dorcas Fernandez na nakarinig ito ng putok ng baril Biyernes ng madaling araw.
Lumabas ito upang usisain ang nangyari kung saan nakita na nito ang biktima na duguang nakahandusay sa kahabaan ng Payatas Road corner Legaspi St., Group 5 sa Brgy. Payatas.
Nakuha naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pangunguna ni Police Senior Inspector Jun Malong ang isang basyo ng caliber .45 at dyaryo na may nakasulat na “Pusher Ako Huwag Tularan”.
Dinala ang labi ng biktima sa Light Funeral Homes para sa autopsy habang patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng pulisya. (Francis T. Wakefield)