Sta. Barbara,Pangasinan – Inaresto ng taong bayan ang isang barangay chairman matapos niyang tutukan ng baril ang isang mag-aaral at walang habas na magpaputok sa Barangay Payas ng bayang ito nitong Martes ng gabi.
Ayon kay Inspector Grandeur Tangonan, deputy chief of police, dinakip ng mga residente si Barangay Chairman Romeo Macatbag Montemayor ng Barangay Payas, Sta. Barbara, dakong 7 p.m.
Sinabi ni Tangonan na pormal na naghain ng reklamo laban sa barangay chairman sina Edmund Santos Ganigan, 20, working student; Vincent Garcia Ancheta, 22, bread vendor; at Leonardo Evaristo Barbiran, 21, college student, mga residente ng Barangay Payas.
Napag-alaman na nagkaroon ng tensiyon sa kanilang lugar nang tutukan ng baril ni Montemayor si Ganigan at pagkatapos ay nagpaputok ng ilang beses habang tinatakot ang dalawa pang complainant.
Na-recover ng mga rumesponding pulis ang dalawang basyo ng bala at isang bala sa pinangyarihan ng krimen. Ibinigay ng mga residente ang barangay chairman sa mga pulis.
“Dati ng may alitan ang biktima at suspek at hindi na naiwasan na manggulo muli ang chairman,” sabi ng police.
Dinala ang suspek sa Sta. Barbara Jail. Nahaharap siya sa kasong alarm and scandal, grave threat at kasong administratibo. (Liezle Basa Iñigo)