NAIPAKILALA na formally ni Winwyn Marquez sa kanyang daddy Joey Marquez ang boyfriend niyang si Mark Herras.
Nakausap daw nila si Mark sa canteen ng GMA7 at ani Joey, okey naman ang paghaharap nila. Wala naman daw siyang naramdamang pagtutol ng daddy niya sa relasyon nila, ayon pa kay Winwyn.
“Siguro, nu’ng una, may pag-aalinlangan pa siya (Joey) sa intensiyon ko kay Winwyn. Dahil siguro sa mga nababalitaan niya noon tungkol sa akin. Pero patutunayan kong nagbago na ako. Magti-30 years old na ako at seryoso ako sa anak niya. Gagawin ko lahat para mag-work ang relasyon namin ni Win,” seryosong pahayag ni Mark.
Tanggap ba ni Winwyn ang anak niya sa ibang babae? “Walang problema. Okey sila ng anak ko,” ani Mark. Magti-three years old na sa Nov. 7 this year si Ada. Ayon pa kay Mark, wala ring problema sa biological mother ng bagets sa magandang relasyon nina Winwyn at Ada. Hindi rin ito nanggugulo sa relasyon nila ni Winwyn, ayon pa kay Mark.
Kamakailan ay magkasamang nagbakasyon sa Hong Kong sina Mark at Winwyn at ayon kay Mark, best trip ever niya ’yun.
First time silang nag-travel abroad together at aniya pa, na-excite silang mag-theme park, mag-food trip, mamili ng mga sapatos. “Pero siyempre, ang pinakamasarap ay ’yung kasama mo ’yung pinakamamahal mo,” he said.
Anyway, magkasosyo sina Mark at Winywyn at ilang kaibigan sa food stall na tinawag nilang Wicked Carnival sa Nuvali.
Meron din sila sa Lakewood School sa Alabang at Southville International School sa Las Pinas. Mga kids’ stuff ang ibinebenta nila tulad ng hotdog, burgers, spaghetti, etc.
Feeling beautiful
Natawa kami sa ibinulong sa amin ni Mother Lily Monteverde habang ongoing ang Q & A (Question & Answer) sa presscon ng “I Love You to Death.” Feeling daw ni Kiray Celis ay ang ganda-ganda niya. Confidently beautiful with conviction kasi ang mga sagot ni Kiray sa naughty questions sa kanya ng entertainment press.
Nang hingan ng pahayag si Mother Lily tungkol kay Kiray, inulit niya na naka-microphone ang ibinulong niya sa amin.
“Kiray is the most beautiful person,” sabi ng Regal matriarch. Wala naming kumontra sa sinabi ni Mother Lily at ride on na lang ang press.
Sabi ni Kiray, hindi niya ini-expect na magkakaroon siya ng launching movie. Mahirap daw palang mag-bida sa pelikula. Ang daming sequences na kinukunan sa kanya at pinakahuli siyang napa-pack up sa shooting. Dati raw kasi, kakaunti lang ang sequences na kinukunan sa kanya at maaga siyang napa-pack up.
Ayon pa kay Kiray, grabe ang pressure sa kanya ng “I Love You to Death” dahil make or break ito sa kanya. Si Enchong Dee ang kanyang kapareha at may kissing scene at mga eksenang naglalampungan sila.
“Grabe ang ginawa ko rito. Dito ko naramdamang babae ako,” ani Kiray. Paulit-ulit daw ang take ng kanilang kissing scene dahil hindi niya maibigay ’yung gustong palabasin ni direk Mike Livelo. Nakukulangan daw ito dahil ayaw niyang (Kiray) ibuka ang kanyang bibig.
Naiiyak at naiinis na raw siya sa kanyang sarili sa paulit-ulit na take. Halos abutin na sila ng paglubog ng araw, kuwento ni Kiray.
Ano naman ang lasa ng lips ni Enchong? “Ay, hindi ko nalasahan. Basta malambot ang lips niya,” saad ni Kiray.
Joke naman ni Enchong, maasim ang lips ni Kiray. Kumain daw ito ng siomai at hindi nag-toothbrush.
“Ang kapal ng mukha mo!” biglang sagot ni Kiray.
Bukod sa kissing scenes, naghipuan at nagpisilan pa ng puwet sina Kiray at Enchong. Sa tunay na buhay, malambing naman talaga si Enchong.
“Mapagbigay naman ako. Chos! (laughs),” ani Kiray.
Nahirapan din
Sabi ni Enchong Dee, nahirapan din siya sa paulit-ulit na kissing scene nila ni Kiray Celis sa “I Love You to Death.” Hindi raw kasi sanay sa halikan si Kiray, kaya na-awkward na rin siya, ayon kay Enchong.
Tinutukso pa raw si Kiray ng production staff, kaya lalong hindi magawa ng petite comedienne ang tamang kissing scene nila. Ani Enchong, naiintindihan naman niya si Kiray kung bakit nahirapan ito sa kanilang kissing scene.
Napanood daw niya noon si Kiray sa “Goin’ Bulilit” na batang-bata pa at nasubaybayan niya ang pagdadalaga nito na pawang wholesome roles ang ginampanan sa mga ginawang projects noon.
Kaya nu’ng inaasar si Kiray ng production staff ng “I Love You to Death,” tahimik lang siya, ani Enchong. Hindi siya nag-react. Gusto niyang ipakita at iparamdam kay Kiray ang kanyang suporta at guidance.
Sa July 6 ang showing ng “I Love You to Death” sa mga sinehan nationwide. Horror-comedy-romance ito at tampok din sina Janice de Belen, Betong Sumaya, Devon Seron, Katrina “Hopia” Legaspi, Paolo Gumabao, Michelle Vito, Christian Bables, Shine Kuk, etc.