DAANBANTAYAN, Cebu – Tinatayang nasa 2.4 hectares ng corals malapit sa Malapascua Island, northern Cebu, ang nasira nang sumadsad doon ang isang foreign vessel na may dalang semento noon Lunes.
Base sa initial assessment ng Cebu Provincial Environment and Natural Resources Office, nasa 2.4 hectares ng corals ang nawasak ng sumadsad na Panamanian-registered cargo ship MV Belle Rose malapit sa Monad Shoal.
Sinabi ni PENRO officer-in-charge Baltazar Tribunalo na isa pang team mula sa PENRO, non-government group Sea Knights, at mga tauhan ng University of San Carlos Marine Biology department ang babalik sa lugar na iyon para magsagawa ng malawakang inspection.
Ayon kay Tribunalo, pansamantala munang ipinatigil ang diving activities sa Malapascua Island dahil sa nabalahaw na barko. Inaalam pa ng Philippine Coast Guard Cebu Station ang dahilan ng pagsadsad ng 29,104-ton vessel dahil hindi naman masama ang panahon nang maganap ang aksidente. (Mars W. Mosqueda, Jr.)