Patay ang ikalawang suspect na humalay at nagnakaw sa dalawang babaeng pasahero ng colorum na public utility vehicle nang agawin niya umano ang baril ng isang pulis na umaresto sa kanya sa Quezon City kahapon.
Kinilala ni Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang suspect na si Alfie Palana Turado, 34, alias “Buddy,” residente ng Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Sinabi ni Marcelo na nagsagawa sila ng follow-up operation pagkatapos nilang makatanggap ng tawag na nagtatago ang suspek sa Barangay Pasong Tamo. Pinuntahan ng mga pulis ang lugar pero hindi nakita ang suspek. Nakatanggap ulit ng tawag ang mga pulis na nakita ang suspek sa Barangay Obrero, Quezon City.
Nakipag-ugnayan ang mga pulis sa mga opisyal ng barangay at sinuyod ang lugar. Nakita ng mga otoridad ang suspek at nagtangkang tumakas pero kinuyog siya ng mga residente.
Naaresto ang suspek at dinala sa tanggapan ng QCPD-CIDU. Sinabi ng suspek na dinala niya at ng isa pang suspek na si Wilfredo Lorenzo na driver ng van ang mga ninakaw na gamit ng mga biktima sa kanyang bahay sa Barangay Pasong Tamo.
Unang naaresto si Lorenzo sa Barangay Kaligayahan, Quezon City noong Lunes.
Hiniling ni Turado na posasan siya sa harap dahil hindi siya kumportable sa likod at nagpasama sa mga pulis upang kunin ang mga gamit pero inagaw umano niya ang baril ng escort na si PO2 Randy Gandingco pagdating sa Tandang Sora Ave. Nakipag agawan din si Gandingco sa suspect at nabaril si Turado sa dibdib at leeg. Dinala ang biktima sa ospital kung saan siya binawian ng buhay.
Samantala, dalawang babae ang lumutang sa QCPD-CIDU at positibong kinilala si Lorenzo na siyang humoldap sa kanila habang sakay ng van noong Marso sa EDSA, Barangay Veterans Village, Quezon City.
Dahil dito, hinikayat ni Chief Supt. Edgardo G. Tinio, QCPD chief, na lumutang ang iba pang mga biktima ni Lorenzo at makipag-ugnayan sa kanila upang masampahan ng kaukulang kaso ang suspeK. (FRANCIS T. WAKEFIELD)