LAOAG CITY, Ilocos Norte – Masusing sinisiyasat ngayon ng Commission on Audit (CoA) at Bureau of Local Government Finance (BLGF) ang diumanoy pagkawala ng P85 milyong pondo ng pamahalaang lungsod.
Kinumpirma ni Laoag City Mayor Chevylle Fariñas ang napaulat na pagkawala ng R85 milyon sa kaban ng lungsod.
Ngunit isang araw bago pa man madiskubre and pagkawala ng pondo noong Miyerkules, napag-alaman na lumipad na ang city treasurer na si Elena Asuncion patungong Honolulu, Hawaii.
Nalaman ng CoA na wala nang laman ang lahat ng accounts ng pamahalaang lungsod sa Development Bank of the Philippines (DBP), Land Bank of the Philippines (LBP) at Rang-ay Bank.
Nadiskubre rin ng government auditors na pineke ni Asuncion and mga deposit slip para sa bank accounts ng city government sa DBP, LBP and Rang-ay Bank.
Matapos malaman ang report, binigyan ni Mayor Fariñas ng memorandum si Asuncion na nag-uutos sa kanya para ipaliwanag ang pagkawala ng pondo na nagsimula pa noong taong 2007. (Freddie G. Lazaro)